NAKAPAGTATAKA kung bakit hanggang ngayon ay hindi makapagpasya ang pamahalaang Marcos sa pagpapasara ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGOs). Laganap ang krimen na kagagawan ng mga Chinese na lulong sa sugal—nangingidnap, pumapatay, sangkot sa prostitusyon, nagnanakaw at iba pa—subalit hindi ito makita ng pamahalaan. Lantaran ang pagre-recruit ng iba’t ibang nationalities—Thais, Vietnamese at mismong Chinese para magtrabaho sa POGOs subalit walang sey ang pamahalaan ukol dito. Noong nakaraang linggo may mga dineport nang Thai nationals dahil sa illegal na pagtatrabaho sa POGOs. Ni-recruit sila ng mga Chinese. Ilang linggo na ang nakararaan, maraming Vietnamese ang na-rescue sa Pampanga na umano’y pinagtatrabaho sa POGOs. Ipinoproseso na ng Department of Justice ang pagpapa-deport sa mga Vietnamese. Lubhang nakapagtataka kung bakit maluwag na nakapasok sa bansa ang mga dayuhan para makapagtrabaho sa POGOs. Maaaring kasama pa ito sa modus na “pastillas scam’’ ng mga korap sa Bureau of Immigration.
Noon pang 2017 nagsimulang dumagsa ang mga Chinese sa bansa para magtrabaho sa POGOs. Ito ay sa kabila na nakiusap ang China na huwag payagan na mag-operate sapagkat maraming Chinese ang lulong sa sugal. Pinagbabawal ang sugal sa China. Pero hindi pinakinggan ng Duterte administration ang kahilingan at dalawang kamay na tinanggap ang POGOs. Malaki raw ang iaakyat na pera dahil sa ibabayad na buwis. Ang Pagcor ang nagbigay ng permiso para makapag-operate ang POGOs.
Pero ngayon, marami nang illegal POGOs at hindi na nakapagbabayad ng buwis. Mas maraming perwisyo kaysa benepisyo. Sabi naman ng Department of Finance, marami raw mawawalan ng trabaho kapag ipinatigil ang POGOs. Malaki rin umano ang kinikita—P64.61 bilyon daw ang inaakyat sa kaban ng bansa.
Mahirap paniwalaan na kumikita pa sa kasalukuyan ang POGOs. Dapat magpasya ang pamahalaang Marcos kung ititigil o patuloy na yayakapin ang perwisyong POGOs.