Nalulungkot ang dalawang heneral ng Philippine National Police (PNP) dahil sa isinasabit ang kanilang pangalan sa nakumpiskang 990 kilos ng shabu sa Maynila. Deny to death sina Brig. Gen’s. Remus Medina at Randy Peralta na may kinalaman sila sa aktibidades ni M/Sgt. Rodolfo Mayo, na nahulihan ng shabu. Sa ngayon, abala sina Medina at Peralta, na kapwa naka-floating status, na linisin ang mga pangalan nila alang-alang sa kinabukasan ng kani-kanilang pamilya.
Hindi naman kinakaila nina Medina at Peralta na naging tauhan nila sina Mayo at amo na si Lt. Col. Arnulfo Ibañez noong hepe pa sila ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG). Subalit iginiit ng dalawang heneral na hindi nila nilargahan ang mga trabaho ng tropa ni Ibañez. Kung naging “guilty by association” sina Medina at Peralta, di ba dapat kasama pati mga director ng PDEG noong pumasok sina Ibañez at Mayo umpisa kay Brig. Gen. Romeo Caramat?
Hindi lang ‘yan, mas malala ang sitwasyon dapat ni PDEG director Brig. Gen. Narciso Domingo dahil sa kapanahunan niya nangyari ang pagkahui kay Mayo? Hindi lang “guilty by association” ang kay Domingo mga kosa, kundi may kaagapay pang “command responsibility.” Dipugaaaaa! Hak hak hak! Dapat sibak din si Domingo, di ba mga kosa? Mismooooo!
Base sa record, si Medina ay na-relieve sa PDEG noong February 2022 at pinalitan siya ni Peralta. Napalitan naman ni Domingo si Peralta noong August 22. Sa panahon nina Medina at Peralta, pinalakas ang coordination ng PDEG at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pamumuno ni Director General Wilkins Villanueva para maiwasan ang misencounter tulad ng nangyari sa Quezon City kung saan napahiya ang dalawang ahensiya.
Naka-floating status sina Medina at Peralta nang mangyari ang pagkasakote kay Mayo. Wala pa namang direct evidence laban kina Medina at Peralta kaya lang giba na ang mga pangalan nila matapos silang idawit kay Mayo. Dipugaaaaa! Get’s n’yo mga kosa?
Ang masaklap lang, sina Medina at Peralta, na magkaklase sa PNPA Class ‘93, ay umugong na kandidato sa magiging Regional Director ng PRO7 sa pagretiro ni Brig. Gen. Roque Eduardo Vega noong Octobr 13. Sa kasamaang palad, ginawang dahilan ang “relasyon” nila kay Mayo para malusaw ang magandang pangarap nila, di ba House Speaker Martin Romualdez Sir? Kaya hayun, ang itinalagang pumalit kay Vega ay si PNP spokesman Brig. Gen. Roderick Alba. Congrats Gen. Alba Sir! Hehehe! Nakaukit talaga sa palad ni Gen. Alba ang maging RD, di ba mga kosa? Eh di wow!
Ang maganda lang, ipinamalita ni Wilkins na walang sabit sina Medina at Peralta sa droga noong director pa sila ng PDEG. Hindi pinayagan ni Medina ang tropa ni Ibañez na magsagawa ng anti-drug operations “on their own,” habang si Peralta naman ay binulag nito sa Coplan Apocalypto kung saan nagpresenta ito ng fake charts. Araguuyyyyyy! Abangan!