EDITORYAL - Pagdami ng krimen nakaaalarma na
Naghahatid ng pangamba ang sunud-sunod na krimen na nangyayari ngayon sa bansa. Kahapon lamang, hinostage si dating senador Leila de Lima ng tatlong Abu Sayyaf detainees habang nakakulong sa Camp Crame custodial center. Napatay ang tatlong Sayyaf ng mga pulis. Maraming katanungan sa pag-hostage kay De Lima sapagkat nakapasok sa detention cell ni De Lima ang tatlong hostage takers. Nakahiwalay ang selda ni De Lima subalit natunton ng tatlong Sayyaf. Hinostage si De Lima habang nakatutok ang patalim. Ayon kay De Lima, hindi niya akalain na iho-hostage siya ng kapwa detainees. Naka-detain si De Lima sa Crame dahil sa drug charges mula pa noong 2017.
Ang mahinang seguridad sa mismong PNP headquarters ay nabunyag. Paano nagawang mang-hostage ang mga detainees gamit ang patalim. Paano nagkaroon ng patalim ang mga hostage takers? Nagpapakita lamang ito ng kaluwagan sa seguridad.
Inilibing naman kahapon ang pinaslang na veteran radio broadcaster na si Percy Lapid. Binaril si Lapid sa gate BF Resort sa Talon, Las Piñas noong Lunes ng gabi habang patungo sa station kung saan siya may programa. Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang bumaril kay Lapid habang nagmamaneho ng sasakyan. Walang anumang tumakas ang mga suspek. Patuloy na nag-iimbestiga ang mga pulis sa pagpatay kay Lapid. Nag-offer naman ng P500,000 si DILG secretary Benhur Abalos sa sinumang makapagsusuplong sa mga suspects.
Marami pang nagaganap na krimen ngayon at sa kabila niyan, sinasabi ng PNP na bumaba ang krimen. Nagbabantay umano ang mga pulis at patuloy na maglilingkod sa mamamayan.
Police visibility ang nararapat ngayon upang mapigilan ang mga kriminal at iba pang mga masasamang tao. Kung may pulis na nagroronda sa karamihan ng tao, mababawasan ang krimen. Matatakot ang mga may utak kriminal na makagawa ng kabuktutan. Pagrondahin ang mga pulis lalo pa ngayong malapit na ang Pasko.
- Latest