Pagkain para sa puso

Ayon sa American Heart Association, para mapanga­la­gaan­ natin ang inyong puso, kumain ng mapupulang pag­kain. Ano ito?

1. Pulang ubas – Ang pulang ubas (red grapes) ay may taglay­ na flavonoids, quercetin, at resveratrol (nasa balat ng pulang ubas). Ayon sa pagsusuri, ang ubas ay nag­pa­pa­taas ng ating good cholesterol. Pinipigilan din nito ang pag-buo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat. Ayon sa mga eksperto, mas masustansya ang pula o itim na ubas kumpara sa puti o berdeng ubas. Ang pulang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at sa bacteria. Huwag lang kumain ng sobrang dami dahil ito’y nakatataba din.

2. Pulang mansanas – Ang red apples ay mataas sa quercetins. Ayon sa pag-aaral, ang mga taong kumakain ng “one apple a day” ay mas nakaiiwas sa kanser sa baga at sa Alzheimer’s disease. Ang balat ng mansanas ay may pectin, na nagpapababa din ng lebel ng bad cholesterol (LDL cholesterol) ng 16% kaya mabuti ito sa ating puso.

3. Red wine – Ang red wine ay gawa sa ubas at may taglay na resveratrol. Ang resveratrol ay napatunayan sa laboratoryo na nagpapahaba ng buhay ng mga daga at nakaiiwas din sa kanser. Pinapataas ng resveratrol ang good cholesterol at pinapababa ang bad cholesterol. Hinay-hinay lang sa pag-inom ng alak. Ang mga lalake ay puwe­deng uminom ng 2 maliit na baso at ang mga babae naman ay puwedeng uminom ng 1 maliit na baso bawat araw. Dahil mas payat sila, mas madali malasing ang mga babae kumpara sa mga lalake.

4. Strawberries – Ang strawberries ay may taglay na ellagic acid at polyphenols, na nagpro-protekta laban sa kanser. Mataas din ang strawberries sa anti-oxidants, vitamin B at C, at potassium na kailangan sa normal na pagtibok ng puso.

5. Kamatis, tomato sauce at ketsap – Ang kamatis ay mayaman sa anti-oxidants tulad ng lycopene at beta-caro­tene. Ang lycopene ay isa sa pinakamalakas na anti-oxi­dant. Maraming pagsusuri ang nagpapatunay na ang pag­kain ng kamatis, tomato sauce o ketsap ay nagpapababa ng tsansang magkaroon ng sakit sa puso, prostate cancer, at kanser sa bituka. Para lumabas ang lycopene sa kamatis, lutuin ang kamatis na may kaunting mantika. Ayon sa mga eksperto, kailangan nating kumain ng 10 kutsara o 150 cc ng tomato sauce bawat linggo.

6. Pulang pakwan – Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang pakwan ay may benepisyo sa ating puso at ugat (blood vessels). Napatunayan na pinapataas ng pakwan ang lebel ng arginine sa ating katawan. Ang arginine ay na-co-convert sa nitric oxide, isang kemikal na nagpapa-relaks at nagpapabuka ng ating ugat. Dahil dito, makatutulong ito sa pag-iwas sa stroke at heart attack. Ang pulang pakwan ay may taglay na lycopene na nagpapabagal sa ating pag-edad. Konting kaalaman: Ang dilaw na pakwan ay may lutein na mabuti naman sa ating mata.

Kaya kung gusto ninyong maging healthy ang inyong puso, kumain ng “red foods for the heart.”

***

Bakit bumibilis ang tibok ng puso at hinihingal?

Kapag tayo ay nagmamadali o nag-e-ehersisyo, hinihingal tayo at bumibilis ang tibok ng ating puso. Ito ang natural na reaksyon ng katawan sa ating paggalaw. Kapag ginagamit natin ang ating masel sa ehersisyo, mas kailangan ng masel ang oxygen. Dahil dito, bibilis ang paghinga para makalanghap ang baga ng mas maraming oxygen.

Ang oxygen ay pupunta sa ating dugo. Samantala, bibilis ang tibok ng puso para mas maraming dugo na may oxygen, ang mai-bo-bomba ng puso sa mga masel ng katawan.

Kapag mabilis ang tibok ng puso, mas maraming dugo ang pupunta sa baga, kung saan mapapabilis ang pagkuha ng oxygen. Kapag naka-pahinga na tayo, hindi na kailangan ng masel gaano ang oxygen at babagal na ang tibok ng puso, at mawawala ang hingal.

Minsan ang taong nine-neribyos ay hinihingal din at bumibilis ang tibok ng puso. Ito ay dahil ang stress ay nagpapalabas ng adrenaline, isang kemikal na nagpapabilis ng tibok ng puso.

May mga sakit na ganito rin ang epekto sa katawan, tulad ng hika, sakit sa puso, sakit sa baga at lagnat.

Show comments