Ang pulikat (cramps) ay ang biglaang paninigas ng muscle ng ating katawan. Kadalasan, dahil ito sa pagkapagod ng muscle, dehydration at muscle strain.
Minsan, naiipit ang nerve sa balakang o laging nakaipit sa isang puwesto ng matagal. Kapag kulang sa mineral ang katawan, tulad ng mababa sa potassium, calcium, at magnesium, puwede rin pulikatin.
Ang mga taong madalas pulikatin ay ang may edad, kulang sa tubig na iniinom, buntis at mga may sakit sa diabetes at thyroid.
First aid sa pulikat:
1. Stretch at imasahe—I-stretch ang bahagi ng muscle na namulikat o nanigas at dahan-dahang imasahe para ito ay ma-relax,
2. Hatakin ang paa—Para sa namulikat na binti o paa, ideretso ng bahagya ang binti at hita. Kung hindi makatayo, umupo sa sahig o silya kasama ang iyong apektadong binti.
3. Hot o cold compress—Gumamit ng hot compress para mabawasan ang sakit ng pamumulikat.
Para maiwasan:
1. Iwasan ang makulangan sa tubig—Uminom ng 8-10 basong tubig araw-araw. Ang dami ng iinuming tubig ay depende sa iyong mga ginagawa, panahon at edad.
2. I-stretch ang muscle—I-stretch bago o pagkatapos mong gamitin ang anumang bahagi ng muscle o kalamnan. Kung nagkakaroon ng pamumulikat ng binti sa gabi, mag-stretch muna bago matulog. Maaari itong makatulong upang maiwasan ang pamumulikat sa gabi.
* * *
Morning bad breath
Ang bibig ay naglalaman ng napakaraming bilang ng bakterya. Maaaring mayroong 80-100 na bilang ng iba’t ibang uri ng mikrobyo sa bibig ng mga tao.
Ang laway ay nag-aalis ng mga particle ng pagkain sa bibig. Ang kaunting produksyon ng laway ay isang dahilan para ang bakterya ay dumami at makagawa sulfur compounds (VSCs) na dahilan para bumaho ang hininga.
Ang iyong laway ay may dalawang tungkulin. Una, ay naghuhugas ng bakterya at pangalawa, naglalaman ng antibodies at iba pang kemikal – lactoferrin, na pinipigilan ang pagdami ng mga bakterya.
Kaya sa gabi, mas kaunti ang laway sa bibig at nanunuyo, kaya ang mga mikrobyo ay mas dumami sa gabi.
Ang paraan ng pagtulog ay puwede ring makaapekto sa mabahong hininga sa umaga. Ang paghilik o paghinga sa bibig sa gabi ay nakakadagdag ng posibilidad ng mabahong hininga. Karamihan sa mga mouth breathers ay natutulog na bukas ang bibig, nagiging dahilan para ang bibig ay manuyo at lalo pang dumami ang bakterya.
Ang iba pang sanhi ng masamang hininga ay ang sirang ngipin, namamagang galagid at kulang sa pagsipilyo.
Tips para mabawasan ang mabahong hininga sa umaga.
Gawin ito bago matulog:
1. Magsipilyo
2. Mag-flossing
3. Paglinis ng dila gamit ang tongue cleaner o toothbrush.
Ito ay tumutulong sa paglilinis ng bibig at pag-alis ng mga particle ng pagkain upang ang bakterya ay hindi dumami.