Matuto, hindi ipagbawal
Umani ng delubyo ng kritisismo at batikos si Sen. Jinggoy Estrada matapos magpahayag na dapat ipagbawal na ang mga Korean telenovelas para ang susuportahan ay ang lokal na industriyang pelikula. Kaya isang araw pa lang nang ipahayag ang saloobin, tila umatras at nagbigay ng “paliwanag” para sa kanyang pahayag. Ang nais lang naman daw ay kung gaano kasigasig ang pagtangkilik sa industriyang pelikula ng Korea, ganundin daw sana sa lokal na industriya.
Naiintindihan ko ang nais na mangyari ni Estrada. Dahil artista rin siya, may karapatan nga siyang magsalita ng ganyan. Ang mali lang ay ang kanyang solusyon. Sa tindi ng kasikatan ng mga K-drama ngayon, hindi kataka-taka na ganyan ang kanyang natanggap na batikos sa pagsabing ipagbabawal na ang mga K-drama. Napansin ko nga na ilang taon nang laging malala ang naiisip na solusyon ng mga nakaupo sa gobyerno. Hulihin, ipagbawal, ipasara, ikulong, patayin, lahat na.
Dalawang eksperto sa media ang nagsalita sa nasabing isyu. Hindi pagbabawal ang solusyon kundi dapat matuto sa naging napakalaking tagumpay ng Korea sa larangan ng sining. Mga K-drama, K-Pop, pati pagkain ay kilalang-kilala na sa buong mundo. Ang nakikita ng mga eksperto ay ginastusan ng mga Koreano ang kanilang inilalabas na pelikula, K-drama at iba pa. Kalidad talaga ang magdadala sa isang industriya.
Alam kong hindi tayo mayamang bansa, pero may mga pelikula na hindi naman kalakihan ang budget na nagwawagi sa entabladong mundo. Mga Indie films kung tawagin. Magaganda ang istorya, magagaling na hindi naman kilalang artista at magagaling na direktor. Ito ang formula para sa isang magandang pelikula.
Sino ba ang may ayaw na maging kilala ang Pilipinong sining sa buong mundo? Sino ang ayaw makapasok sa mga pelikula sa Hollywood? May mga pelikula at artista na unti-unting nagagawa na ito. Hindi dapat banta ang mga K-drama at iba pa kundi kailangang pag-aralan kung bakit sila naging ganyang katagumpay. Maaaring hindi natin matatapatan at hindi nga tayo mayamang bansa, pero hindi naman tayo nagkukulang sa magagaling na talento. Itigil na ang mga malalang solusyon sa mga problema at isyu.
- Latest