EDITORYAL – Hanapin ang ‘utak’
Bagama't sumuko na ang sinasabing bumaril at nakapatay sa veteran broadcast journalist na si Percy Lapid, hindi pa lutas ang kaso at nagsisimula pa lamang. Masasabing sarado na ang kaso kung natukoy na ang nag-utos na patayin si Lapid.
Marami pang dapat trabahuhin ang Philippine National Police (PNP) para ganap na malutas ang kaso.
Ang pagsurender ni Joel Escorial ay malaking tulong sa pulisya para matukoy kung sino ang nag-utos na patayin si Lapid at kung ano ang motibo. Sa kasalukuyan, marami pa ring kaduda-duda sa mga pinagtapat ni Escorial at maging ang mga kaanak ng napatay na broadcast journalist ay hindi pa gaanong kumbinsido. Maski ang itsura ng gunman ay pinagdududahan ng pamilya ng bikima. Ganunman, nagpapasalamat sila sa PNP sa development ng kaso. Dumulog na sila sa Department of Justice at naghain ng kasong murder laban kay Escorial at tatlong iba pa.
Sa salaysay ni Escorial kay DILG Sec. Benhur Abalos, inamin niya na siya ang bumaril kay Lapid noong Oktubre 3 sa Talon, Las Piñas. Kasama umano niya sina Edmon Dimaculangan at Israel Dimaculangan, at “Orly” o “Orlando”. Taga-National Bilibid Prisons umano ang nag-utos na patayin si Lapid sa halagang P550,000. Ayon kay Escorial, tig-P140,000 daw bawat isa sa kanila.
Nararapat na kumilos nang maayos at maingat ang PNP para ganap na matukoy ang “utak” sa Lapid slay. Ikinanta na ng gunman na nasa NBP ang “utak” at dapat mabatid kung sino ang taong ito. Kailangang malaman ang pagkakakilanlan at mabantayan upang hindi manganib ang buhay. Maaaring sa taong ito nanggaling ang utos pero mayroon pang ibang tao na pinanggalingan ng order. Ganito ang karaniwang senaryo para hindi malaman ang totoong nag-utos. Maraming pinanggalingan ng utos upang hindi ma-trace ang “utak”.
May lead na ang pulisya kung saan magsisimula at sana malutas ang kasong ito. Kapag nasolb ang kaso, malaking tagumpay ito para sa mga mamamahayag na walang awang pinapatay. Pinatatahimik para walang maisiwalat na katotohanan.
- Latest