EDITORYAL - Nakakatakot na ‘house visit’ ng mga pulis
NAGHATID ng pangamba ang ginawang pagbisita ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa bahay ng mga broadcast journalist noong isang araw. Nabulabog ang mga mamamahayag na binisita ng mga pulis sapagkat bigla na lamang umanong kumatok sa kanilang bahay ang mga hindi unipormadong pulis at tinatanong ang pangalan ng mamamahayag. Karamihan sa mga “binisita” ng mga pulis ay mga broadcast journalists sa Kapamilya channel, GMA 7, at TV 5.
Ang labis na ipinagtataka ng mga mamamahayag ay kung paano nalaman ng mga pulis ang kanilang bahay at ang numero ng cell phone. Gustong malaman ng mga mamamahayag kung paano nagkaroon ng access ang mga pulis at natunton ang kanilang mga bahay.
Ang pagbisita ng mga pulis ay naganap, mahigit isang linggo makaraang patayin ang broadcast journalist na si Percy Lapid sa harap ng BF Resort Las Piñas City. Nakasakay sa kanyang SUV si Lapid nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Si Lapid ay kilalang kritiko ni dating President Rodrigo Duterte at nang kasalukuyang Presidente Ferdinand Marcos Jr. Bukod sa pagbatikos sa mga pinuno ng bansa, binabanatan din ni Lapid ang mga operator ng illegal jueteng at pati mga sindikato ng droga. Si Lapid ang ikalawang mamamahayag na napatay sa ilalim ng Marcos Jr. administration.
Sa ginawang house visit ng mga pulis, nag-sorry ang PNP at sinabing wala silang ipinag-uutos na ganito. Iimbestigahan umano kung kanino nanggaling ang order na bisitahin ang mediamen sa kanilang bahay. Ayon sa spokesman ng PNP, walang direktiba mula sa PNP chief na magsagawa ng visitation sa mga miyembro ng media.
Hindi talaga maganda ang pagbisita ng pulis sapagkat iba ang maisasaisip. Mas maganda na magpatawag ng press conference ang PNP sa lahat ng media outlet at dito ihayag ang kanilang nais na pagprotekta sa mga mamamahayag kasunod ng mga pagpatay. Hindi dapat bisitahin isa’t isa ang mga mamamahayag at saka tatanungin kung “okey ba kayo riyan?’’
- Latest