EDITORYAL - Nananatiling mahirap mga benepisyaryo ng 4Ps
Nag-umpisa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong 2007 sa panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo at ipinagpatuloy ng administrasyon ni dating President Benigno “Noynoy” Aquino. Pinalakas ito sa panahon ni President Rodrigo Duterte kung saan ginawa nang batas (RA 11310) ang pagkakaloob ng ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilya. Sa ilalim ng batas, obligadong pagkalooban ng cash grant ang mga klasipikadong mahihirap.
Ang 4Ps ay national poverty reduction program na nagbibigay ng tulong na pera sa mga mahihirap na pamilya sa loob ng pitong taon na ang layunin ay mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon at makakamit ng edukasyon. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangangasiwa sa pamamahagi ng 4Ps.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ang mga sumusunod ng:
P300 bawat anak o bata buwan-buwan na nakaenrol sa day care at elementary programs sa loob ng 10 buwan bawat taon;
P500 sa bawat anak buwan-buwan na nakaenrol sa junior high school sa loob ng 10 buwan;
P700 sa bawat anak buwan-buwan na naka-enroll sa senior high school sa loob ng 10 buwan;
At P750 para sa health and nutrition bawat buwan sa loob ng isang taon.
Makukuha ng 4Ps beneficiaries ang kanilang cash grant sa mga banko na inatasan ng DSWD. Ang lahat ng 4Ps beneficiaries ay covered ng National Health Insurance Program. Kailangang makasunod sa criteria ang mga pagkakalooban ng cash grant upang walang maging problema sa pagkubra nito.
Labinlimang taon nang pinagkakalooban ng ayuda ang mga mahihirap sa lipunan. Mayroon nang mga nakatapos sa kanilang mga anak. Mayroon na ring trabaho marahil at baka may sarili na ring bahay at lupa.
Pero ano itong sinabi ng Commission on Audit (COA) na 90 porsiyento ng mga tumatanggap ng 4Ps ay mahirap pa rin. Ayon sa COA, base sa Performance Audit Report (PAR) na “Follow Up on the Performance Audit on the Pantawid Pamilyang Pilipino Program” nananatili pa ring dahop ang pamumuhay ng mga benepisyaryo.
Maaaring may pagkukulang ang pamahalaan kung bakit nangyari ito. Kailangang baguhin ang batas. Pagsikapan na maipaalam sa mga mahihirap na gamitin ang perang natatanggap sa pagpapaunlad ng kanilang buhay. Huwag laging aasa.
- Latest