EDITORYAL - Pati mga pulis, escort na rin ng POGO bosses

Masyado nang kontrobersiyal ang Philippine­ Offshore and Gaming Operators (POGOs) na pati pala mga pulis ay ginagamit na bodyguards o escort­ ng mga bossing nito. Bakit ganito kalakas ang mga bossing ng POGOs at nakukuha ang serbisyo ng Philippine National Police (PNP). Bakit ang mga pulis pa ang ginagamit gayung maaari namang mag-hire ng private security?

Laganap ang krimen ngayon at kailangan ng ma­mamayan ng proteksiyon sa mga pulis. Pero paano mabibigyan ng proteksiyon ang mamamayan kung may mga pulis na inuuna pang pagsilbihan ang mga bossing ng POGOs. Taliwas na ang motto ng PNP na pagsisilbihan at puprotektahan ang mamamayan­. Ngayon, lumalabas na “to serve and protect POGOs ang nangyayari.

Ayon sa report, 10 pulis ang itinatalagang bodyguards para sa bossing ng POGOs. Umaabot naman sa 300 pulis ang nagsisilbing guwardiya at escort ng mga opisyal ng POGOs. Ang dami naman nito! Kaya naman pala wala nang nakakarespondeng pulis kapag may krimen ay dahil ginuguwardiyahan ang mga POGOs.

Nakapagtataka lang kung bakit kailangan pang proteksiyunan ng mga pulis ang POGOs gayung­ pawang Chinese naman ang mga kliyente nito. Walang mga Pinoy na nagtatrabaho sa POGOs dahil kaila­ngang mahusay magsalita ng Mandarin. Mga Chinese ang kliyente kaya Chinese rin ang staff. Anong dahilan at kailangang guwardiyahan o eskortan.

Nararapat ipaliwanag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) kung bakit kaila­ngang guwardiyahan ang POGOs. Ang Pagcor ang nagbigay ng lisensiya sa POGOs.

Masyado nang maraming perwisyo ang POGOs kaya nararapat nang ikansela ang operasyon. Dapat nang suspendihin sapagkat wala rin napapakinabang ang bansa. Wala nang inaakyat na salapi para ma­gamit sa pagbuhay ng ekonomiya.

Kung sa China ay sinusuka ang online gaming, bakit hindi rin ito magawa sa Pilipinas. Inamin ni Chinese ambassador Huang Xilian na sa China ay laganap ang pagpapakamatay, pagnanakaw at iba pang krimen dahil sa pagkalulong sa sugal. Noong 2016, hiniling ng China sa Pilipinas na huwag payagan ang operasyon ng POGOs dahil maraming citizens nila ang nasisira ang buhay dahil sa sugal.

Nakapagtatakang dito sa Pilipinas ay dalawang kamay na tinanggap ang online gaming at ang resulta, daming nangyaring krimen.

Show comments