Sa harap ng pagsadsad ng piso at walang habas na pagtaas sa presyo ng bilihin at serbisyo, tama lang na pati ang mga medical benefit costs na ibinibigay sa ilalim ng Universal Health Care Act ay taasan na. ‘Di nga ba’t ginawa ang batas para pati na ang mga pulubi sa lansangan ay masakop ng libreng serbisyon medical?
Napapanahong pag-isipan at ikonsidera ang mungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano na taasan na o i-upgrade ang health benefit cost na naibibigay sa mga pasyente sa ilalim ng nasabing batas.
Nais nating maging mas malakas pa ang programang ito ng ating pamahalaan. Madalas kong matalakay ang tungkol sa PhilHealth sa kolum na ito. Importante ito dahil iyan ang sandalan ng mga mahihirap sa kanilang pangangailangang medical at pangkalusugan.
Sa briefing tungkol sa PhilHealth sa Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises sa pamumuno ni Cayetano, tinuran na ang inilalaan ng PhilHealth sa coronary bypass graft surgery ay Php559,000 gayung ang singil sa mga ospital ay Php970,000.
Ang suhestiyon ni Cayetano, i-upgrade na ang benefit cost ng PhilHealth. Government owned and controlled corporation ang PhilHealth. Hindi ko alam kung papaano pero baka mangailangan ng batas para taasan ang budget na inilalaan ng pamahalaan. Posible rin ang pagtataas sa contribution ng mga kasapi na baka mapait tanggapin ng mamamayan.
Whatever, Kongreso ang magpapasya niyan. Ngunit sa pananaw ko, marami nang nangyaring pagbabago sa ekonomiya na dumaan sa maraming inflation. Nagrereklamo na ang taumbayan sa nakagugulat ng presyo ng mga pagkain at iba pang basic needs sa pamilihan pero wala namang wage increase! Kailangan nang umakma ang Health care program para manatiling epektibo. Sabi ni Cayetano, marami ang napipilitang hindi na lang magpagamot dahil sa laki ng gastos. Dahil dito, marami ang namamatay na lang nang hindi man lang nakapagpapatingin sa doktor. Takot sa gastos kahit may PhilHealth na nakaalalay.
Bilang friendly suggestion, dapat lang na ikonsidera ang mungkahi ng senador. Mabuhay ang Universal Health Care program ng pamahalaan! Dapat makatalima palagi ito sa mandato na bigyan ng serbisyong pangkalusugan at medikal pati na sa pinakamahihirap sa ating lipunan.