Nanood si Pres. Bongbong Marcos Jr. kasama ang kanyang pamilya pati si House Speaker Martin Romualdez, kanyang pinsan, ng Formula 1 sa Singapore noong nakaraang linggo. Natural na binatikos ang kanyang tila pagbakasyon sa nasabing bansa. Maraming problema ang bansa tulad ng mataas na bilihin, mataas na gasolina at mataas na dolyar. Ang inflation rate noong Setyembre ay umabot na sa 6.9%. Lahat iyan ay dapat tugunan pero anong ginawa ng presidente? Nanood ng karera.
Nang tanungin kung sino ang gumastos para sa kanilang “bakasyon”, walang kinalaman daw kung gobyerno o personal na pera ang ginamit kasi nagtatrabaho pa rin daw siya ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin. Ha? Anong trabaho ang nagawa kaya niya? Ibig sabihin kahit saan siya pumunta sa mundo, kung nanood ng kung anu-ano ay hindi na dapat tinatanong kung sino ang gumastos? Wala nang karapatan ang publikong malaman? Hindi importante iyon?
Sinabayan naman ng ilang biglaang pahayag. Bumitiw mula sa kani-kanilang posisyon sina Jose Calida ng COA at Trixie Cruz-Angeles bilang Press Secretary. Kalusugan ang dahilan ni Angeles. Walang pahayag si Calida. Nagpahayag din si Bersamin na wala na sa administrasyon ni Marcos si Vic Rodriguez. Si Rodriguez ay matagal nang kaibigan at tagapagsalita ni Marcos noong kampanya. Pansamantala rin siyang itinalaga bilang executive secretary. Pero ilang kontrobersiya ang kaagad bumalot sa kanya, partikular ang pag-angkat ng asukal.
Bukas ang ika-100 araw ni Marcos bilang pangulo pero ganito na ang naganap sa kanyang administrasyon. Ganunman nakuha niyang manood ng karera sa Singapore. Hindi ko sinasabi wala siyang karapatang gawin iyan. Pero maraming problema ang bansa. Marami pa rin ang gutom at hinaharap pa ang mahal na bilihin. Alam nating kayang-kaya niyang bayaran mula sa kanyang malalim na bulsa ang pagpunta sa Singapore. Pero konting delicadeza naman sana.
Naaalala ba ninyo noong bumili ng Porsche 911 si dating President Noynoy Aquino? Hindi ba’t binatikos din siya nang husto, kahit nagpaliwanag na pera niya ang pinambayad? Sa kinalaunan binenta na lang niya ang sasakyan para matapos na ang isyu. Tatanggapin na lang ba ang paliwanag ni Bersamin hinggil sa lakad na iyan? Wala nang tanung-tanong?