Di kapani-paniwala. Iyan ang bukambibig ng lahat nang malaman na 433 ang tumama ng jackpot sa Grand Lotto 6/55 noong Sabado. Ang bawat isa ay tatanggap ng mahigit P500,000. Hindi ko maisip ang naramdaman ng mga nanalo nang makita ang lumabas na kombinasyon. Milyonaryo na sila. Tapos nang malaman na may kahati pala silang higit 400, at tatanggap sila ng higit P500,000 na lang.
Natural na ang unang iisipin ng tao ay kung paano mangyayari ang ganyan. Higit 400 ang tumama? Agad dumepensa ang PCSO at ang paliwanag ay maraming nag-aalaga ng kombinasyon. Nataon lang na marami ang nag-alaga o nakahula ng tumamang kombinasyon. Kumbinsido kayo? Tingnan natin ang mga numero.
Ayon sa mga mathematician, ang pagkakataong manalo sa Lotto 6/55 ay isa sa 28,989,675 dahil ganyan karami ang kombinasyong maaaring lumabas sa nasabing lotto. Kung gagawin nating porsiyento, may 0.0000034% kang manalo. Sabi nga, mas mataas pa ang pagkakataong tamaan ka ng kidlat kaysa manalo sa lotto. Pero may nanalo nga, walang argumento diyan. Ngayon, para manalo ang 433? E di 433 ang sabay-sabay tinamaan ng kidlat? Tataas talaga ang iyong kilay. Mukhang hindi na masasagot ng mga mathematician iyan. Mukhang “only in the Philippines” na lang iyan.
Sa totoo lang, napakadalas may nananalo ng lotto sa bansa. Isipin na lang ang ipinakita kong mga numero sa 6/55. Kaya sa 6/58, mas maliit pa ang pagkakataong manalo. Pero ang dalas nga may tumatama. Sa mga lotto sa ibang bansa, buwan, minsan taon pa ang inaabot bago may nananalo. Bakit kaya? May mga nagsasabi pa nga na tuwing may halalan, marami ang tumatama.
Baka ito ang mga tanong na nais masagot sa planong imbestigasyon ng Senado sa Grand Lotto 6/55 kung saan marami ang tumama. Para walang mag-isip o magsuspetsya na may iregularidad na nagaganap sa PCSO, partikular sa lotto. Pinapalabas naman sa TV ang mga bola. Ipinapakita na pare-pareho ang timbang ng mga bolang ping-pong. Hindi rin tao ang namimili ng mga bola kundi makina sa pamamagitan ng hangin. Ang napansin ko lang ay hindi ipinakikitang may hangin pa ang mga bola. Iba na kasi ang talbog ng bola kapag wala nang hangin. Napansin ko lang. Iba talaga ang naganap na resulta ng 6/55 noong Sabado. Baka sa ibang bansa ay napag-uusapan na rin. Habang sinusulat ko ito, dalawa naman ang tumama sa Lotto 6/45. Huling tinamaan ang 6/45 noong Setyembre 23. Sampung araw lang may tumama na naman, dalawa pa. Napakasuwerte naman ng Pilipino.