^

PSN Opinyon

EDITORYAL - May pinatay na namang mamamahayag

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - May pinatay na namang mamamahayag

Noong nakaraang buwan lang, may pinatay na mamamahayag sa Mabinay, Negros Oriental. Traidor na pinagsasaksak ang radio broadcaster na si Rey Blanco at hindi na ito umabot sa ospital dahil sa sugat sa leeg. Naaresto naman ang suspek. Inaalam pa ang motibo sa pagpatay kay Blanco.

Noong Lunes, isa namang mamamahayag ang pinatay. Binaril ang beteranong broadcaster na si Percy Lapid habang nasa kanyang sasakyan sa harap ng BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang salarin. Patungo si Lapid sa kanyang online broadcast nang maganap ang pagpatay. Mabilis na tumakas ang mga suspect. Si Lapid ay nagho-host ng “Lapid Fire”, isang radio news commentary program sa DWBL 1242. Si Lapid ang ikalawang mamamahayag na pinaslang sa gobyerno ni Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang pagpatay kay Lapid na anila’y nangyari sa Metro Manila. Wala anilang nagawa ang mga awtoridad para protektahan ang mamamahayag. Kung ang mamamahayag ay walang awang pinapatay paano pa ang karaniwang mamamayan.

Sa panahon ng panunungkulan ni dating President Rodrigo Duterte, 24 na mamamahayag ang pinatay. Ang huli ay si Federico Gempesaw, radio commentator ng Carmen, Cagayan de Oro City. Pinatay siya ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang bahay noong Hunyo 27, 2022.

Karamihan sa mga nangyaring pagpatay sa mga mamamahayag ay hindi nalutas. Maski ang karumal-dumal na pagpatay sa 30 mamamaha­yag sa Ampatuan, Maguindanao noong Nob. 23, 2009 ay hindi pa lubos na nakakamit ng hustisya.

Sa report ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong 2021, pampito ang Pilipinas sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Somalia at sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Aghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.

Noong nakaraang Hulyo sinabi ng Malacañang na maglalatag na ng mga bagong programa ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga ­miyembro ng media. Layunin ng bagong polisiya ang kaligtasan ng mga mamamahayag.

Harinawang mangyari ang mga ito. Proteksiyunan ang mga mamamahayag at wakasan na ang pagpatay.

PERCY LAPID

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with