Nakaaalarma ang report ng Department of Health (DOH) noong Biyernes na biglang pagtaas ng COVID cases. Nakapagtala ng 2,489 na arawang kaso. Pinakamataas umano ito sa mga nakaraang buwan. Sa kabuuan, mayroong 29,118 na active cases sa bansa. Ayon pa rin sa DOH, nakapagtala ng 31 patay.
Ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamataas na kaso, 13,991 at sinundan ng Region 3 na may 2,830 kaso, Region 11 na may 1,306 at Region 6 na may 757 kaso.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng OCTA Research Group na posibleng tumaas ang kaso ng COVID ngayong Oktubre. Ganito rin ang ipinahayag ng mga doctor at health experts kaya mahigpit silang tumututol sa pag-aalis ng face masks. Maski ang DOH ay hindi pabor sa pabigla-biglang desisyon na alisin ang mandatory na pagsusuot ng face masks. Hindi pa panahon anila na alisin ang face masks dahil narito pa ang virus.
Ang local government ng Cebu City ang unang-unang nagpahayag na aalisin na ang pagsusuot ng face mask sa labas ng gusali at iba pang open at ventilated na lugar. May ilang LGUs din na nagpahayag sa pag-aalis ng face masks. Ayon sa ilang LGUs, hadlang sa pagpapalakas ng turismo ang pagsusuot ng face masks.
May mga dayuhan umano na ayaw nang magsuot ng face mask kaya iniiwasan ng mga ito ang mga lugar na mahigpit na ipinatutupad ang pagsusuot ng face mask.
Nararamdaman na rin ng ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang pagdami ng COVID infections. Ayon sa ilang DepEd officials may mga estudyante, guro at iba pang personnel sa public schools ang tinamaan ng COVID. Nangyari umano ang pagtaas ng bilang mula nang bumalik sa face-to-face classes noong Agosto. Sinabi naman ng OCTA na ang pagdami ng kaso ng COVID ay dahil sa paghina ng immune system.
Mula nang unti-unting bumaba ang kaso ng COVID, kapansin-pansin na kakaunti na ang nagpapabakuna at nagpapa-booster. Ang ilan ay hindi na nag-aaksayang magtungo sa vaccination centers at ang katwiran ay nawawala na ang virus. Hindi na raw kailangan ang bakuna o booster kaya.
Kung patuloy na darami ang kaso, maaaring maghigpit muli para ito mapigilan. Balik sa dating lockdown. Balik sa simula. Nararapat na paigtingin ang pagbabakuna para may proteksiyon ang lahat. Mag-ingat at laging mag-face mask, maghugas ng kamay at huwag magkumpul-kumpol.