Una nang ipinahayag ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte noong Hulyo na ibabalik ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa senior high school at pabor naman dito si President Ferdinand Marcos Jr. Katunayan, inihayag na ito ng presidente sa kanyang talumpati sa SONA noong Hulyo 22. Ayon kay Marcos, ang layunin ay para masanay at maorganisa ang mga estudyante sa pagtatanggol sa bansa at maihanda na rin sa mga kalamidad at mga katulad na sitwasyon.
Pero noong Huwebes, sinabi ng Vice President na hindi na ito sa senior high school ipatutupad kundi sa college level na. Ayon kay Sara, nakikipag-usap na siya sa mga mambabatas ukol dito. Mas mabuti umano na sa higher education ibalik ang ROTC dahil talaga namang mga nasa kolehiyo ang kumukuha nito. Nang maitalaga si Sara sa DepEd, ang pagbabalik ng mandatory ROTC ang isa sa kanyang prayoridad. Layunin sa pagbabalik ng ROTC na manaig ang pagmamahal sa bayan at maging disiplinado.
Inalis sa kurikulom ang ROTC noong 2008 nang isabatas ang Republic Act 9163 o National Service Training Program (NSTP). Naging voluntary na lamang ang ROTC. Isa sa mga dahilan kaya binuwag ang ROTC ay dahil sa malagim na pagpatay kay UST cadet officer Mark Wilson Chua ng mga kapwa niya cadet officer noong 2001. Ibinulgar ni Chua ang corruption sa ROTC ng unibersidad. Pinatay si Chua sa pamamagitan ng pagbigti. Binalot siya sa kutson at saka itinapon sa Ilog Pasig. Nahuli ang mga pumatay sa kanya subalit may mga nakalalaya pa.
Nasaklot ng takot ang mga magulang sa karahasang nangyari. Hindi nila maubos maisip na may magbubuwis ng buhay habang nasa ROTC na dapat ay nasa mabuting kamay ang kanilang mga anak. Masyadong malagim ang pangyayari na nagpabago sa pananaw ng mga magulang at estudyante mismo sa ROTC. Ang pagkamatay ni Chua ang tuluyang nagbuwag sa UST. Nakalaya ang mga estudyante sa puwersahang pagti-training na ginaganap kung Linggo habang nakabilad sa init ng araw.
Ngayon ay ibinabalik na college level ang ROTC. Nararapat bantayan ang pagbabalik nito at baka mayroon na namang malagim na mangyari. Bantayan at baka mabatbat na naman ng korapsiyon. Hindi na dapat maulit ang mga masamang nangyari.