Matatapos na kaya ang mga panahong matagal ang hintayan bago makarating ang mga pulis sa kinaroroonan ng krimen o sa lugar na kailangan ang kanilang tulong.
Mahigpit na tagubilin ng bagong hepe ng Cordillera police na si Brig. General Mafelino Bazar na limang minuto lamang ay dapat nakarating na ang pulis sa lugar kung saan nangangailangan ng tulong o pagtugon. Ito’y lalo na sa mga sentrong bayan at urban areas ng rehiyon gaya ng Baguio City.
Kayang-kaya itong “five minute response” dahil naisagawa na sa pamamagitan ng “simulation exercises” bago maisapraktika. Baka nga naman maabutan pa ang salarin sa isang krimen o matulungan agad ang biktima o kung sinuman ang nangangailangan ng alalay kung sa limang minuto’y dumating na ang naalertong pulisya.
Kapansin-pansin din ang dami ng nakatalagang pulis sa mga lansangan ngayon, lalo na sa Baguio City sa ilalim ng pamumuno ni BGen. Bazar sa kapulisan ng CAR. Ayaw na ayaw kasi ni Bazar na sa opisina nagkukumpulan ang mga pulis, kundi dapat sa mga lugar kung saan kailangan ng mga mamamayan ang kanilang pagkalinga kontra sa krimen.
Mainam nga namang “deterrent” sa krimen ang makita ng mga kawatan ang unipormadong kagawad ng pulisya sa bawat sulok. Siguradong magdadalawang isip ang mga masasamang-loob na isagawa ang maitim na balakin kapag makakita ng alertong pulis.
Una nang naisakatuparan ang 5-minute Quick Response Time noong 1997 sa Marikina sa ilalim ni Mayor Bayani Fernando na isinakatuparan ng medical team ng Rescue 161, Police, and Fire Department sa bayang ito. Pinarangalan ang tagumpay ng proyekto pagkaraan ang dalawang taon lamang ng “Galing-Pook” isang pagkilala ng Asian Institute of Management (AIM), Ford Foundation at Department of Interior and Local Government (DILG).
Una na ring binanggit ni Fernando: “Sa ating karanasan, kung atrasado ang dating, mamatay man ang pulis, bumbero, o paramedics sa paglilingkod ay walang ibig sabihin sa tao. Sa kabilang banda, kung dumating sa oras kahit hindi marunong bumaril ang pulis o pumatay ng sunog ang bumbero o gumamot ang paramedics ay nasisiyahan pa rin ang tao.”
Kaya’t inaasahan ng mamamayan ang positibong bunga ng “limang minutong tugon” na direktiba ni Bazar sa kapulisan. Ito’y napapanahon para sa kaligtasan ng taumbayan.
***
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com