Limang bayani  

Dapat lang na parangalan ang limang tagapagligtas na namatay sa kasagsagan ng Bagyong Karding. Nagpanukala ang Senado na bigyan ng pinakamataas na parangal sina Jerson Resureccion, George Agustin, Troy Justin Agustin, Narciso Calayag Jr. at Marby Bartolome. Nakikiramay ang bansa sa kani-kanilang pamilya.

Hindi na nila inisip ang peligrong haharapin sa paglabas mula sa kanilang tahanan para maghanap ng na­ngangailangan ng tulong. Tungkulin nila ang lumabas sa mga ganitong sitwasyon. Hindi sila mga ordinaryong tao. Sigurado ako na sila ay malulusog at malalakas. Kinapus-palad at nailagay sa sitwasyon kung saan hindi na nila kinayanan. Nawalan ng limang bayani ang Bulacan.

Hindi na bago ang malalakas na bagyo sa bansa. Sigurado may papasok ulit bago matapos ang taon. Ang bawat lokal na pamahalaan nga ay kailangan ng Search and Rescue Unit na siyang kikilos sa panahon ng malakas na bagyo o anumang kalamidad. Dapat may tamang pagsasanay pati tamang kagamitan tulad ng life vest, radyo, mga matitibay na tali, kutsilyo, mga flare para makatawag-pansin kung kinakailangan at iba pa. Kung kinakailangan ipadala sa ibang bansa para magsanay, mas mabuti.

Nabigla rin ang bansa sa Bagyong Karding. Alam natin na may bagyo pero hindi natin akalain na pagkagising ng Linggo ay mataas na signal na ang ilang bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila. Ang tawag ng Pagasa dito ay “explosive intensification” kung saan humigit sa 65 kilometro kada oras ang lakas ng hangin sa loob ng 24 na oras. Tila ganun nga ang naganap sa Bagyong Karding. Naalala ko ang Ondoy. Noong umaga ng araw na iyon, malakas pa ang sinag ng araw. Noong tanghali ay iba na ang sitwasyon. Huwag na sanang mangyari na mawalan ulit tayo ng mga tagapagligtas. Hindi sila basta mapapalitan lang. Hindi basta-basta matatapatan ang kanilang tapang, lakas, malasakit, at determinasyon.

Show comments