Bakit nga ba kung ano ang peste, ‘yun pa ang dumarami? Halimbawa ang ipis. Kapag tag-init namumutiktik ito sa mga imburnal. At kapag umulan nagsisigapang papasok sa drains ng mga bahay.
Buwisit din ang lamok. Kapag tag-ulan nagdadala ng sakit na dengue. Paboritong kagatin ang mga batang edad 9-14 na naglalaro o nag-aaral, 9:00 a.m.–4:00 p.m.
Salot ang mga dagang bukid. Inuubos ang mga palay, mais, gulay, prutas, gabi at ube. Nalulugi ang mga magtatanim.
Nakatuon ang mundo sa pagpuksa ng peste. Mungkahi ng mga eksperto na gawing pagkain ang ipis, na sagana sa protein. Sa China nga may mga palakihan na ng ipis. Nakakadiri nga lang kung makawala.
Patuloy sinasaliksik ang bakuna kontra dengue. Mino-modify ang katawan ng Aedes Aegypti mosquito para lasunin nito ang sariling itlog.
Sa Asia at Africa, nagpapapremyo ng pera para patayin ang mga daga. Sa Pilipinas nu’ng dekada ‘80, piso ang premyo ng munisipyo sa bawat buntot ng daga na isumite ng mga bata sa bukid. Itinaas na ito sa P5 kada buntot. Kahit papano nakakabawi ang mga biktima.
Pero may mga peste na hindi mapuksa. Sila ang mga kawatan sa gobyerno, na walang habas mangikil sa mamamayan na nagpapasuweldo sa kanila. Sila ang political dynasts sa pambansa at lokal na puwesto, na masahol pa sa linta dahil walang pagkabusog sa pagkurakot ng bilyun-bilyong piso. Sila ang mga protector ng smugglers at drug lords, kasapakat sa pagsabotahe ng ekonomiya at kinabukasan ng kabataan.
Kung puwede lang sana, premyuhan ang madla para putulan sila ng taynga. Ipalamon sila sa mga buwaya na siya namang gagawing sapatos at bag. Kapunin sila para hindi na dumami ang masamang lahi.
‘Yan ang parusa sa mga criminal nu’ng sinaunang panahon. ‘Yon nga lang, dito sa Pilipinas, ang mga kriminal na ang gumagawa ng batas. Kaya pinalulusot ang sarili sa multa at pagkulong.