Babala ng Pakistan
Ang bagyong Karding ang unang super typhoon na tumama sa bansa ngayong taon. Pumasok sa Polilio Islands sa Quezon at tinahak ang Dingalan, Aurora at Zambales. Naapektuhan din ang Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan.
Limang rescuers ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ay natagpuang patay. Nagsimula silang magtungo sa Barangay Tigpalas at Samias sa San Miguel, Bulacan ng alas-kuwatro ng madaling araw. Nang tumaas ng higit anim na talampakan ang lalim ng baha, hindi na sila mahanap. Natagpuan ang kanilang bangkay nang humupa ang baha.
Sa Zambales, dalawa naman ang namatay. May namatay rin umano sa Quezon. Wala pang inilalabas na opisyal na bilang ng mga nasawi kaya maaaring magbago pa ang bilang. Libu-libo naman ang apektado ng bagyo, karamihan ay dahil sa pagbaha ng kanilang lugar.
Hindi na bago ang malalakas na bagyo sa bansa. Sa mga buwan ng Setyembre hanggang Disyembre madalas tumatama ang malalakas na bagyo. Magpasalamat tayo at may kabundukan ng Sierra Madre na dinadaan ng mga bagyong pumapasok sa bahagi ng bansang iyan. Humina ang bagyo nang tumama na sa Sierra Madre. Malaki ang hinina ng Karding nang tumahak na malapit sa Metro Manila. Marami nga ang nangamba at baka maulit ang katulad ng bagyong Ondoy.
Ito na sana ang huling malakas na bagyo na tatama sa bansa ngayong taon. Tiyak na may mabubuo pang bagyo sa Pacific Ocean, pero sana lumihis na lang. Ang mga nabubuong super typhoon ay dulot umano ng pagbago ng klima, na binibigyan ng pansin ng ilang grupo.
Sa katatapos na UN General Assembly, nagsalita ang prime minister ng Pakistan. Higit 30 percent ng kanyang bansa ang lubog sa baha. Apatnapung araw at gabi umulan sa Pakistan, kung saan hindi nila malaman kung ano ang gagawin. Umapela sa mundo na bigyang halaga ang pagbabago ng klima, at gumawa ng mga hakbang para matukoy ang problema. Nagbabala na ang naganap sa Pakistan ay hindi mananatili sa Pakistan lamang. Sana makinig nga ang mga mayayamang bansa at sila ang malakas gumamit ng langis at maglikha ng polusyon. Kabilang na ang Pilipinas na madalas napipinsala ng bagyo.
- Latest