EDITORYAL - Permanenteng evacuation centers, nararapat itayo
Taun-taon mahigit 20 bagyo ang dumadalaw sa bansa at karamihan sa mga ito ay malalakas at mapaminsala. Maraming bahay ang nawawasak at marami ang namamatay. Bukod sa bagyo, grabe rin ang nararanasang pagbaha kaya inililikas ang mga tao. Tumatama rin ang malalakas na lindol at iba pang kalamidad.
Karaniwan nang tanawin na kapag may banta nang malakas na bagyo o mga pagbaha, nagsasagawa na ng preemptive evacuations ang LGUs sa mga residente na malapit sa ilog. Bago pa tumama ang bagyo, nailikas na lahat ang mga tao.
Ang problema, siksikan sa pinagdalhan sa kanilang evacuations centers. Halos magkapalit ang mga mukha sa liit ng evacuation centers. Karaniwang ginagamit na evacuation centers ay mga eskuwelahan at mga covered court sa mga barangay. Ang problema lang, mga bata ang walang magamit na classroom dahil nga ginagamit ng evacuees. Tumatagal ng isang linggo sa evacuation centers ang mga biktima ng bagyo, baha o kaya’y lindol.
Lubhang kailangan ang evacuation centers sapagkat ang bansa ay lagi nang sinasalanta ng kung anu-anong kalamidad at kailangang ilikas ang mga tao. Taun-taon ay ganito ang nangyayari kaya panahon na para magtayo ng permanenteng evacuation centers.
Mula pa nang tumama ang Bagyong Yolanda noong 2013, marami nang nagmungkahi na magtayo ng evacuation centers. Pero mahigit 10 taon na ang nakalilipas, wala pa ring itinatayong evacuation centers. Ang nangyayari, bahala na si Batman kapag nandiyan na ang bagyo at iba pang kalamidad. Saka na lang problemahin kapag malapit ang bagyo.
Sinabi mismo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dapat nang magtayo ng permanenteng evacuation centers sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ipinaalam na ito ng DSWD kay President Ferdinand Marcos Jr. Harinawang maisakatuparan ang planong ito upang magkaroon ng kaayusan sa panahon na inililikas ang mga taong apektado ng bagyo at iba pang kalamidad.
- Latest