Nagkakaroon ng conflict of interest ang isang appointed official kung ang kanyang pamilya, kaibigan, kamag-anak, sitwasyon sa pananalapi, at iba pang bagay na may kinalaman sa kanyang puwesto sa lipunan ay maaaring makaapekto sa kanyang desisyon o aksyon sa trabaho o tungkulin.
Kung ikaw ay isang hukom halimbawa at ang kasong hawak mo ay nadadawit ang iyong malapit na kamag-anak, kaibigan o dating amo na iyong pinaglingkuran, malamang maging “bias” ang iyong desisyon pabor sa mga taong naging bahagi ng buhay mo. Sa ganyang sitwasyon ang judge ay nag-iinhibit na lang “por delicadeza.”
May isang advocacy group na umaapela kay President Bongbong Marcos na bawiin ang appointment ni Monalisa Dimalanta bilang hepe ng Energy Regulatory Commission (ERC). Si Dimalanta diumano ay nagsilbing abogada ng Aboitiz Group na isang higanteng kompanya sa enerhiya sa loob ng mahabang panahon. Maging si Department of Energy Secretary Raphael Lotilla ay naglingkod din nang matagal sa kompanyang Aboitiz.
Ayon kay Pete Ilagan, pangulo ng National Association of Electricity Consumers for Reforms Inc., hindi magiging epektibo si Dimalanta bilang energy regulator. Walang dudang parehong mataas ang qualifications ng dalawang appointee. Ang tanging problema ay ang dati nilang ugnayan sa isang malaking kompanya sa enerhiya.
Paano nga naman mareresolba nang patas ni Dimalanta ang usapin kung kasangkot ang Aboitiz Group na isang dominanteng player sa energy sector, kung mayroon siyang bias na pabor dito? Hindi naman sa pessimistic ako pero ganyan ang human nature. Kung may conflict of interest, paano na ang tinatawag nating level playing field? Paano mabibigyan ng parehas na pagkakataon o treatment ang mga manlalaro sa industriya?
Ang tanong ngayon: Sino kaya ang nagrekomenda kina Lotilla at Dimalanta para maupo sa DOE at ERC? Posible kaya na ang taong nagrekomenda kina Lotilla at Dimalanta ay may malaking kontribusyon sa kandidatura ni Marcos?
Kung magkagayon, paano niya babawiin ang appointment nina Dimalanta at Lotilla kung may utang na loob siya sa “ninong” ng dalawang opisyal?