Communist China peste sa mundo at outer space

Bobo at pabaya ang Communist China. Maihahambing sa isang mangmang na nabigyan ng lisensiyang magma­neho pero hindi nakakaintindi ng mga regulasyon at karatula, at nagbabalewala kung makabundol o sagasa. Pinsala sa mundo ang China.

Nu’ng July 30 bumagsak sa Sulu Sea ang uncontrolled re-entry ng isang Chinese booster rocket. Higanteng tangke ‘yon ng orbital spacecraft, 22.5 tonelada, simbigat ng apat na dump trucks. Buti na lang sa tubig-dagat ito lumagapak. Pero kung napalihis lang nang konti ang velocity, muntik nito tamaan ang lupa ng Palawan, Panay o Zamboanga. Ang Sulu Sea ay internal waters ng Pilipinas. Daanan ito nang maraming barkong domestic at international at bangkang pangisda.

Ni hindi nagbabala ang China sa Pilipinas na binagsakan o Malaysia na dinaanan ng higanteng basura. Nagyayabang ang China na marunong kuno ito magpalipad ng orbital spacecraft, pero hindi naman marunong magkalkula kung saan, anong oras, at paano maiiwas makasira, makasakit o makapatay ang high-tech equipment nito. Kaya nabuwisit sa China ang mga space agencies ng iba’t ibang bansa.

Nu’ng April 2021 natakot ang mundo sa unang uncontrolled re-entry ng Chinese booster rocket. Buti na lang sa Indian Ocean bumagsak at walang natamaang barko. Sa test-run nu’ng May 2020 nag-crash ang China rocket sa lupa ng Ivory Coast. Nagbuwal ng mga gusali; buti na lang walang nasaktan. Nu’ng January 2007 tinira ng Chinese test missile ang lumang weather satellite nito, .75 tonelada, 865 kilometers ang taas. Sa pagsabog, kumalat ang mil­yon-milyong piraso ng bakal—maliit at malaki, lahat kaya bumutas ng spacecraft, stations at ibang satellites.

Sarili lang ang iniisip ng Communist China. Walang pakialam sa iba. Pati mamamayan nito, milyun-milyon kung patayin at pahirapan.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments