KARAGDAGANG seguridad, maipatupad nang tama ang batas at pagtibayin ang mga karapatan ng mga security guard sa Pilipinas. Ito ang tahimik ngunit seryosong tinatrabaho ng BITAG katuwang ang ACT-CIS Partylist.
Trabaho ng isang sekyu na panatilihin ang kaayusan, katahimikan at kapayapaan sa isang establisyimento na kanilang binabantayan.
Subalit ‘di maikakaila na minsan halos gawin na silang mga “all-around boy” ng ibang employers, taga-bukas ng pinto, taga-bitbit o taga-buhat ng mga gamit o di kaya’y taga-park ng mga sasakyan. Ang mga security guard din ang pamosong trabaho na madalas biktima ng “unfair labor practice.”
Naniniwala ang BITAG at ACT-CIS na panahon na para bigyan ng dignidad at respeto ang propesyong ito. Saksi ang mga programa ng BITAG sa sandamakmak na biktima ng panlalamang, pang-aabuso at pang-aapi sa ating mga security guard.
Mga sekyung nabugbog o pinatay habang ginagampanan ang kanilang mga trabaho, hindi pinapasahod ng tama, hindi lisensiyado’t walang kasanayan at walang benepisyo’t insurance. Ang masaklap, sila mismo ay sinasaktang pisikal ng kanilang mga superiors bilang parusa sa kanilang mga kamalian.
Oo, merong batas lalo na pagdating sa unfair labor practice. Subalit marami itong butas at walang kapangil-pangil. Ang matindi, napakadali lamang para sa mga security agency na lumalabag at takasan ang kanilang mga pananagutan. Magsasara pansamantala at ilang buwan lamang, back to business na naman ang mga hinayupak.
Dito papasok ang ACT-CIS Partylist, “kakampi ng mga inapi”, dapang-dapa na ang ating mga sekyu. Nabuo ang espesyal na partisipasyon sa pag-balangkas “Magna Carta For Security Guard” na pangungunahan ng ACT-CIS Partylist, katuwang ang BITAG.
Naglalayon ang Magna Carta For Security Guards na seryosong maprotektahan ang karapatan ng mga sekyu. Siyempre kasama dito ang pagtanggap ng mga nararapat na benepisyo, pagkakaroon ng medical at life insurance, pagtanggap ng nararapat na halaga ng sahod.
Nitong nakaraang Setyembre 14, bumisita ang aming grupo sa tanggapan ng ACT-CIS sa kongreso upang umpisahan ang pag-uusap patungkol sa panukalang batas na ito.
Inaasahang mas magiging komprehensibo ang sinusulong na Magna Carta For Security Guards kumpara sa mga nauna ng naaprubahang batas. Tinatayang hindi bababa sa 500,000 security guards and inaasahang makikinabang sa isinusulong na panukala ito.
Malayo at maraming trabaho pa ang kailangang igugol para sa panukalang ito, ngunit sigurado ang BITAG na ang ACT-CIS ang perpektong grupo para irepresenta ang mga sekyu sa kamara.