Nang magsalita si President Ferdinand Marcos Jr. sa New York Stock Exhange, sinabi niya sa mga investors na ang Pilipinas ay bright spot sa kanilang radar. Ibig sabihin, maliwanag, matatag at may malaking potensiyal ang Pilipinas para sa mga mamumuhunan. Ipinagmalaki ni Marcos ang paglago ng gross domestic product, umuunlad na kalagayan sa hanapbuhay, tumataas na manufacturing activity at ang pinalalakas na trade infrastructure. Inihayag din ng presidente ang mga bagong patakaran sa economic liberalization at ang pagluluwag sa foreign investment restrictions.
Ang panghihikayat ni Marcos sa mga investor ay sinegundahan naman ng grupo ng mga negosyante na nagsabing ang Pilipinas ang susunod na “higante sa Asia” na ang ibig sabihin, mangingibabaw ang lakas at pag-unlad ng Pilipinas sa pamumuno ni President Ferdinand Marcos Jr. Sabi pa ng grupo, sinusuportahan nila ang pagsisikap at determinasyon ni Marcos para sa ikauunlad ng bansa at upang lalong maging matatag ang ekonomiya. Makaaasa anila ang American investors sa lalo pang paglago ng kabuhayan sa Pilipinas sa pamumuno ni Marcos.
Harinawang ang mga panghihikayat sa mga dayuhang investors ay magbunga nang marami at dumagsa sa Pilipinas. Harinawang, mula sa pagkakalugmok ng ekonomiya dahil sa pananalasa ng COVID-19 ay mabilis na makabangon sa tulong ng mga dayuhan. Harinawang magbunga nang maraming trabaho ang pamumuhunan ng mga dayuhan.
Sinabi ni Marcos na magiging maluwag ang kanyang pamahalaan sa mga dayuhang investors. Aalisin ang restrictions at iba pang mga sagabal sa pamumuhunan. Hindi pahihirapan at bagkus padadaliin. Hindi paghihintayin.
Nararapat lamang na ganyan ang gawin. At isang dapat wasakin ng pamahalaang Marcos ay ang red tape sa pamahalaan. Kabi-kabila ang korapsiyon na bago makakuha ng permit para sa negosyo ay maraming pagdadaanang tao. At bawat tao ay kailangang maglagay o magsuhol.
Kapag nawasak ni Marcos ang korapsiyon, dito magsisimulang umusad ang ekonomiya ng bansa.