Bilang isang espesyalista sa puso, sari-saring sakit sa dibdib ang kinukunsulta sa akin. Sa aking palagay, 80 percent ng mga sakit sa dibdib ay walang kinalaman sa puso. Paano ko nalalaman na hindi sa puso ang problema? Nahuhulaan ito ng doktor sa pagkukuwento ng pasyente ng kanyang nararamdaman.
Kung ang sakit sa dibdib ay parang tumutusok, hindi iyan sa puso. Kung ang sakit ay nasa kanang bahagi ng dibdib, hindi rin iyan sa puso. Kadalasan ay nagmumula sa masel ng dibdib ang pagkirot. Baka natulog ka sa matigas na higaan. Baka nadaganan ni Mister. Baka nagbuhat nang mabigat at na i-sprain ang laman. Ang solusyon dito ay pahinga lamang.
May dalawa pang tanong para masuri kung galing sa puso ang pananakit. Una, kaya mo bang ituro ng isang daliri ang pananakit sa dibdib? Kapag naituro ng pasyente ito, hindi iyan sa puso. Ang sakit sa puso ay hindi maituro ng isang daliri.
Pangalawa, gaano ba katagal sumasakit ang iyong dibdib? Kapag wala pang isang minuto ang tagal ng sakit o dili kaya lampas 1 oras ang kirot, siguradong hindi iyan sa puso. Ang tunay na sakit sa puso ay mula 5 minuto hanggang 15 minutos lamang.
Ano ba talaga ang sakit na galing sa puso? Ang sakit sa dibdib ay sinasabing mabigat at parang may nakadagan sa dibdib. Ang sakit ay tumatagal lang ng 5 hanggang 15 minutos. Dumarating ang sakit kapag napapagod, naglakad nang malayo o umakyat ng hagdan.
Madalas magkaroon ng sakit sa puso ang mga kalalakihan, mula 50 edad pataas. Kung may katabaan, may diabetes, o may lahi ng sakit sa puso, malaki ang tsansa na baka puso ang diperensiya. Sa ganitong sitwasyon, magpatingin sa doktor.
Pero kung bata ka pa naman, wala pang edad 30, lalo na kung babae ka, halos sigurado ako na hindi sa puso ang problema. Huwag mangamba. Magpa-check sa isang espesyalista sa puso kung kinakailangan.
* * *
Mga dahilan ng sakit ng ulo
Ito ang mga pinaka-madalas na nararamdaman ng mga pasyente.
1. Ang mga dahilan ng sakit ng ulo ay stress, depresyon, kaba, tension, lungkot, pag-aalala at galit.
2. Sumasakit din ang ulo kung nakakuba o poor posture, hindi aligned ang gulugod o spine, matigas ang mga masel sa balikat at arthritis. Kung may rayuma sa buto ng leeg at pagtigas ng panga o TMJ ay sasakit din ang ulo.
3. Sa migraine headache, ang mga pagkain na may tyramine ay maaaring magdulot ng sakit ng ulo tulad ng cocoa, tsokolate, keso, soy products, toyo, alak, vetsin, caffeine, preserved na karne na may nitrites gaya ng hotdogs, bacon, pepperoni.
4. Ang iba pang dahilan ng sakit ng ulo ay low blood sugar, pagdidiyeta, pagpupuyat, sobrang pagtatrabaho at ehersisyo.
5. Nakakasakit ng ulo ang pag-iiba ng klima o weather na kung minsan ay sobrang init o sobra naman lamig.
6. May mga gamot na kadalasan mayroong side effect kasama ang pagsakit ng ulo.
7. Kung bago o habang may regla at menopause.
8. Ang high blood pressure ay nakakasakit din ng ulo.
9. Lagnat o kaya naman nauntog.
10. May mga taong may irritants sa ilong tulad ng pabango, thinner, pintura, at rugby.
Isulat ito para matulungan ang doktor na malaman ang sanhi ng sakit ng ulo:
1. Magtala ng araw at oras ng sakit ng ulo; lokasyon, at kung gaano ito katagal.
2. I-rate ang sakit from 1-10
3. Ang dahilan na nakapagpa-trigger at pagkain na kinain
4. Kung may kasamang sintomas
5. Kung nasa lahi ng pamilya
6. Mga gawain o stress level
7. Menstrual cycle
8. Gamot na iniinom
9. Weather o Klima
10. Trabaho o ang mga ginagawa
Kumunsulta sa neurologist kung sobra ang sakit ng ulo, sobrang hilo, nagsusuka, walang balanse, may mataas na lagnat, at kung nawalan ng malay.