EDITORYAL - May namatay na naman sa hazing
WALANG ngipin ang Republic Act 8049 (Anti-Hazing Law) sapagkat patuloy pa rin ang hazing sa fraternity na nagiging daan para mamatay ang miyembro. Walang ipinagbago at lalo pang naging uhaw sa dugo ng kanilang ka-brod ang mga miyembro ng fraternity. Nararapat marahil amyendahan ang batas at bigatan pa ang parusa sa mga miyembro ng frat na magpapahirap at pumapatay sa kanilang miyembro.
May nadagdag na naman sa listahan ng mga namatay sa hazing. Namatay noong Linggo si August Ceazar Saplot, estudyante ng University of Mindanao, residente ng Upper Mandug, Buhangin, Davao City at miyembro ng Alpha Kappa Rho Fraternity. Namatay si Saplot dahil sa mga tinamong palo sa hita at likod. Walong miyembro ng Alpha Kappa Rho ang inaresto at nasa kustodiya ng Davao City police. Anim pa ang pinaghahanap ng pulisya. Bukod kay Saplot, isa pang estudyante ang biktima rin ng hazing at nasa ospital.
Paulit-ulit lang ang pagkamatay dahil sa hazing at wala nang natatakot kahit pa may batas na nagbabawal dito. Nakapagtataka rin kung namo-monitor pa ba ng mga pinuno ng eskuwelahan ang mga namamayaning fraternities. O wala na silang pakialam?
Noong nakaraang Marso 2022 lang, namatay din sa hazing ang 18-anyos na si Reymart Madrazo, ng Kalayaan, Laguna. Mga miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity ang nasa likod ng hazing na ikinamatay ni Madrazo. Naganap ang hazing sa isang lugar sa Kalayaan. Dinala si Madrazo sa isang ospital sa Pakil, Laguna subalit patay na ito sa dami ng mga pasa at bugbog sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa ilalim ng Anti-Hazing Law, mahigpit na pinagbabawal ang hazing at iba pang bayolenteng initiation rites ng fraternities, sororities at iba pang katulad na grupo. Makakasuhan din ang eskuwelahan, leader ng fraternities at ang may-ari ng lugar kung saan naganap ang hazing.
Pero sa kabila nito, patuloy ang hazing at pagkamatay. Nagpapakita lamang ito na walang ngipin ang batas ukol sa hazing. Marami pa ring miyembro ng fraternity ang mistulang berdugo sa oras ng initiation. Uhaw na uhaw sa dugo ng kanilang ka-brod.
Ang kawalan ng ngipin ng Anti-Hazing Law ang dahilan kung bakit patuloy na nangyayari o paulit-ulit na lamang ang hindi makataong pagpapahirap na nauuwi sa kamatayan.
- Latest