Ang makasaysayang probinsiya ng Maguindanao ay hati na sa dalawa. Mula nang inayunan ng mga residente sa plebisito ang paghating takda ng batas, kikilalanin nang Maguindanao del Norte ang mga bayan ng dating unang distrito at Maguindanao del Sur ang pangalawang distrito. Pormal nang ituturing ang dalawa na pang-82 at 83 na probinsiya ng Pilipinas.
Ang orihinal na pinagmulan ng Maguindanao ay ang higanteng Cotabato. Nauna itong i-split noong 1966 upang kumalas ang naging probinsya ng South Cotabato. Taong 1973, ang naiwang North Cotabato ay muling ibinahagi sa tatlong magkahiwalay na probinsya: North Cotabato, Sultan Kudarat at Maguindanao.
Dati na rin sanang nahati itong Maguindanao. Noong 2006 ay tinaguriang probinsya ng Shariff Kabunsuan ang mayorya ng bayan sa first district sa pamamagitan ng batas ng Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) Legislative Assembly. Ang Maguindanao ay kabilang sa mga LGU na sumailalim sa ARMM. Sa kasawiang palad ay ibinasura ng Korte Suprema ang pagtatag ng Shariff Kabunsuan. Katwiran nila ay tanging ang Kongreso ng Pilipinas ang maaring magtatag ng probinsiya dahil automatic sa pagtatag ng probinsya na may kasama itong congressional district. Ayon sa Saligang Batas, tanging ang Kongreso ang maaring magdagdag ng bagong congressional district.
Bakat ang Maguindanao sa kaisipan ng Pilipino dahil sa magkasunod na trahedyang naganap dito. Ang massacre na mga kapanig ng angkang Mangudadatu noong 2009; at ang massacre ng 44 na Special Action Forces sa Mamasapano noong 2015.
Ang paghati ng probinsya ay magbubunsod ng panibagong pagkakataon upang makaahon at higit na matuunan ang pangangailangan ngayong may higit pang awtonomiya ang bawat isang probinsiya.
Matagal pa ang bubunuing panahon upang maisaayos ang mga pangangailangang administratibo at bago maipatupad ang patas na paghati ng ari-arian at ng pagkakautang. May aayusin ding gusot ang kinauukulan sa pag-unawa sa probisyon ng batas nang kung sino ang mauupong mga bagong opisyal. Sa huli, laging aayunan ang pagsasarili ng higit na maraming local government units, alinsunod sa diwa ng awtonomiya.