EDITORYAL - Problema sa air pollution
Sa unang SONA ni President Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang Hulyo, binanggit niya ang problema sa plastic pollution, kung saan isa ang Pilipinas sa nagko-contribute sa tone-toneladang single-use plastic sa karagatan. Sabi niya, tutulong ang Pilipinas sa paglilinis sa basurang plastic. Hindi aniya tatalikuran ang responsibilidad sa problema.
Pero mayroong nakaligtaan si Marcos na problemang kasingbigat din ng plastic pollution—ang problema sa air pollution.
Mabigat ang problema sa air pollution na kapag walang ginawang hakbang ang pamahalaan, maraming magkakasakit at ang pamahalaan din ang mahihirapan sapagkat dadagsa sa ospital ang mga biktima.
Noong 2020 na kasagsagan ng pandemya, bahagyang bumaba ang lebel ng air pollution dahil napilay ang transportasyon. Walang biyahe ang mga jeepney, bus at maski taxi na nagbubuga ng may lasong usok. Tigil din ang mga pabrika.
Subalit ngayon na nagluwag na sa restrictions at nagbalikan na sa kalye ang mga sasakyan at balik operasyon ang mga pabrika, balik din ang air pollution. Araw-araw nang nakalalanghap ng may lasong usok ang milyong residente sa Metro Manila.
Sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mga sasakyan ang numero unong nagdudulot ng air pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng emissions ay galing sa mga tambutso ng sasakyan. Ang maruming usok na ito ang nalalanghap ng commuters.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino bawat taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng hangin na may lason. Ayon pa sa report, pangtatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay sa air pollution.
Para masolusyunan ang air pollution, lahat nang karag-karag na sasakyan ay ipagbawal na sa kalye. Ipagpatuloy ang smoke belching campaign para masiguro na ang mga sasakyang yumayaot ay hindi nagbubuga ng may lasong usok. Lagyan ng ngipin ang Clean Air Act of 1999.
- Latest