EDITORYAL - MM: No. 8 sa most traffic-congested city sa mundo
Sa wakas, nailagay din sa medyo unang numero ang Metro Manila—number 8. Pero hindi nakatutuwa dahil pangwalo sa pinakamatrapik na lungsod sa buong mundo. Nakapantay ng Pilipinas ang Tel Aviv, Israel at Tokyo, Japan. Nangunguna naman sa pinakamatrapik ang Istanbul, Turkey na sinundan ng Bogota, Colombia at pangatlo ang Mumbai, India. Pang-apat ang Bucharest, Romania; Panglima ang Bengaluru, India at pang-anim ang New Delhi, India at pampito ang Lodz, Poland. Ang pag-aaral ay sinagawa ng GoShortys, isang insurance technology website na naka-base sa United Kingdom.
Noon pa man, problema na ang trapik sa Metro Manila. Marami nang ginawang paraan para mapaluwag ang trapik lalo na sa EDSA, pero wala pa ring epekto at lalo pang nagsikip ang trapik. Sa kabila na mayroon nang Skyway at iba pang alternatibong kalsada, usad pagong pa rin sa EDSA, Quezon at Mindanao Avenues, España Blvd., Taft Avenue, Roxas Blvd. at iba pang ruta. Sinisimulan na ang bilyong subway project para sa ikaluluwag umano ng trapik sa Metro Manila.
Ang problemang trapik ang dahilan kaya nawawalan ang bansa ng bilyong piso araw-araw. Batay sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), umaabot sa P3.5 bilyon ang nasasayang araw-araw dahil sa trapik sa Metro Manila. Sa pagtaya ng JICA, mawawalan ng P5.4 billion araw-araw ang Pilipinas sa pagsapit ng 2035 kung hindi gagawa ng solusyon sa trapik.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) tinatayang 405,000 ang mga sasakyan sa Metro Manila araw-araw. Napakarami nito at inaasahang madaragdagan pa dahil paluwag nang paluwag ang restrictions na ipinatutupad dahil sa pandemya.
Dapat nang gumawa ng matinding solusyon ang MMDA para mapagaan ang trapik. Hindi dapat ningas-kugon ang paglilinis sa mga kalsada. Alisin ang mga nakaparadang sasakyan. Gibain ang mga basketball court na nasa kalsada at pati mga car wash at talyer. Atasan ang mga traffic enforcers na ayusin ang daloy ng trapiko at huwag magkumpulan sa malilim na bahagi ng flyover o footbridge.
Dagdagan din naman ang construction ng skyway at flyovers para mapabilis ang biyahe sa Metro Manila.
- Latest