Mukhang laganap na naman ang krimen ng kidnapping sa bansa. Pero ngayon, mga taga-Mainland China umano ang mga biktima ng mga kapwang taga-Mainland. Nababahala na nga ang Chinese Embassy kaya hiniling sa mga otoridad natin na paigtingin ang pagbigay proteksyon sa kanilang mga kababayan dito. May mga video na lumalabas kung saan labis na pinahihirapan ang mga biktima ng tila mga kapwang taga-Mainland China rin. Marami na raw ang nagiging biktima ng kidnapping, illegal detention, at blackmail ng mga nagtatrabaho sa POGO industry.
Itinanggi naman ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. na laganap ang pagdakip sa mga Filipino-Chinese. Pero ang mga kumakalat na balita at video ng mga biktimang taga-Mainland China ay nagiging sanhi ng takot at pagkabalisa sa komunidad ng Filipino Chinese. Bakit kasi pinayagang lumaki ang industriya ng POGO kung saan pati mga kriminal ay nakapasok din. Baka hindi tumagal mabuhayan na naman ang mga sindikatong kidnapping sa bansa. Iyan ay kung hindi kikilos ang PNP.
Minamaliit nga ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga balitang ito. Inaalam pa kung ang mga kumakalat na video ay tunay at hindi fake, o kung kamakailan lang ang mga ito at hindi mga kasong nalutasan na. Ganun pa man, ang tungkulin ng PNP ay manilbihan at magbigay proteksyon, hindi ba? Kaya anumang krimen ang naganap o lumalaganap, hindi na dapat ipaalala pa sa PNP ang kanilang tungkulin.
Hindi rin dapat hinihintay ang utos ng presidente para sugpuin ang krimen. Ito nga ang hindi ko naintindihan sa nakaraang administrasyon. Bakit kinailangan pa ng utos ng presidente sa PNP na labanan ang iligal na droga kung sa akademya ng pulisya pa lang ay itinuturo na iyan, kasi nga krimen. Totoo ba ang naging usap-usapan na may insentibo para sa bawat mapatay sa drug war? Kaya ba may mga biktima na tulad nina Kian Delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman na pawang mga tinedyer?
Naglabas na ng resolusyon ang Senado na nanawagan sa gobyerno na “kumilos nang mabilis upang wakasan ang sunud-sunod na pagkidnap at pagpatay, kontrolin ang sitwasyon at garantiyahan ang ating mga mamamayan sa kanilang kaligtasan at magbigay ng katiyakan ng isang mapayapang komunidad”. Pero ganun nga, kailangan pa bang sabihin iyan?
Ang layunin ng gobyerno sa pamamagitan ng kapulisan nito ang garantiyahin iyan, hindi ba? Sana ay hindi nga kumalat ang mistulang “kidnapping wave” na ito. Isang paghamon sa bagong administrasyon ang pagsugpo sa krimen, lumalaganap man o hindi.