Ipagpapatuloy na ng pamahalaan ang pagpapadala ng Pinoy workers sa Saudi Arabia sa darating na Nobyembre. Ito ang inihayag ni Department of Migrant Workers (DMW) secretary Susan Ople noong Martes. Ayon kay Ople, lumagda sa kasunduan ang Saudi Arabia na sinisiguro ang kapakanan at proteksiyon ng mga Pilipinong household workers at iba pang skilled workers. Sinabi ni Ople na sisimulan sa Nobyembre 7 ang pagpapadala ng workers sa Saudi Arabia. Ipinatigil ang pagpapadala ng OFWs sa Saudi noong Nobyembre 2021 sa utos ni dating Labor Secretary Silvestre dahil sa mga pagmamalabis at pang-aabuso ng Saudi employers.
Ilang beses nang nagkaroon ng ganitong kasunduan ang Pilipinas at Saudi Arabia sa mga nakaraang taon subalit hindi sumusunod sa batas ang mga Saudi employers. Patuloy ang pang-aabuso lalo sa mga domestic helpers. Bukod sa hindi pinasusuweldo, minamaltrato at kung anu-anong hindi makataong pagpapahirap ang ginagawa sa DH gaya ng pagplantsa sa palad, pagpaso ng sigarilyo at hindi pagpapakain. Ang matindi, ginagahasa pa ng manyakis na among lalaki ang Pinay maid.
Nag-ugat ang pagsuspende sa pagpapadala ng OFWs sa Saudi nang isang abusadong Saudi military general ang inireklamo kay Bello ng 16 na OFWs na pinagmamalupitan sila at hindi pinasusuweldo sa loob ng dalawang taon (2019-2021). Nakilala ang abusadong Saudi General na si Ayedh Thawah Al-Jealid. Maimpluwensiya umano ang general kaya patuloy sa ginagawang pagmamaltrato sa kanila. Nakipag-ugnayan sa mga awtoridad sa Saudi Arabia si Bello pero nagmamatigas pa rin ang general at ayaw bayaran ang mga minaltratong OFWs. Ipinasya ni Bello na suspendehin ang pagpapadala ng OFWs sa Saudi Arabia.
Ngayon ay tuloy na uli ang deployment. Hindi naman nilinaw ni Secretary Ople kung nabayaran na ang mga OFWs na minaltrato ng Saudi general. Nararapat klaruhin ito bago ang pagpapadala ng OFWs. At gaano kasigurado na tutupad ang mga Saudi employers sa kasunduan na puproteksiyunan ang kapakanan ng OFWs. Nararapat i-blacklist ang mga Saudi employers na nang-aabuso ng OFWs.