Isa sa mga pahayag ni President Bongbong Marcos sa kanyang kauna-unahang SONA ay ang pagtigil sa pagbabayad ng amortization ng mga magsasaka sa mga lupaing ipinamahagi sa kanila sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Hindi ito masyadong nabigyan ng pansin dahil marahil, inakalang ito’y isa na namang political statement.
Ngunit kamakalawa, sa pagdiriwang ni Marcos ng kanyang ika-65 na kaarawan, lumagda siya ng isang executive order na nagpapatupad ng isang-taong moratorium sa pagbabayad ng amortization sa mga lupain ng mga farmer-beneficiaries. Malaking kaluwagan ito sa mga magsasaka lalo pa’t mataas ang halaga ng abono at iba pa na kinakailangan sa pagtatanim ng palay.
Sana ay mangahulugan din ito ng pagbaba sa presyo ng palay at bigas at ang makikinabang sa dulo ay ang taumbayan. Bagaman at isang taon lang ang moratorium, ito ay preparasyon sa pagpapatibay ng Lehislatura ng isang pinal na batas para sa ganap na kondonasyon o hindi na pagbabayad ng mga magsasaka ng kanilang pagkakautang.
Natutuwa naman ako at mukhang pinaninindigan ng presidente ang pagtayo niya bilang concurrent secretary ng Department of Agriculture na sa simula pa lang ng kanyang termino ay pinaka-problematic na departamento sa kanyang gabinete.
Ito’y sadyang paninindigan niya, lalo pa’t nakapagbitiw siya ng pangakong gagawin niyang P20 ang kilo ng bigas na ngayo’y tinutuligsa ng kanyang mga detractors dahil hindi pa niya maipatupad. Unang hakbang pa lang iyan ng presidente at wika nga, bigyan natin siya ng benefit of the doubt sa halip na patutsadahan.
Hindi madaling lutasin ang mga problemang pambansa at siguro, ang pinakamainam na suportang maibibigay natin sa administrasyon ay kaunting pagtitiwala at tiyagang maghintay sa resulta ng mga pinasimulang programa ng pamahalaan.