Serbisyong masigasig
Matindi rin ang mga eksenang napapanood sa Senado at sa Kongreso hinggil sa: (1) pagprisinta ng budget ng mga ahensiya para sa taon 2023; at (2) sa mga kontrobersiya sa pamamahala na napilitang ungkatin ng ating mga kinatawan.
Ang turing sa ganitong pagmanman sa empleyado ng gobyerno ay ang power of oversight ng Kongreso. Hindi gaanong pamilyar sa madla ang kapangyarihan dahil hindi ito mababasa saanmang sulok ng Saligang Batas. Alam natin na ibinahagi ang soberanyang awtoridad ng tao sa tatlong dakilang kagawaran—ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura. Hindi komo’t sila ay ipinaghiwalay ay magpatay-malisya na lamang sa kaganapan ng iba.
Itong separation of powers ay may kaakibat na prinsipyo ng check and balance. Aasahan na ang kilos ng isa ay mababantayan ng kabila. Sa ganitong paraan, masisiguro nating walang makakalusot na pag-abuso ng kapangyarihan. Mahahadlangan din ang pagsanib ng kapangyarihan sa iisang tao o institusyon, katulad ng mga kaharian ng unang panahon, na madalas nagiging daan para sa hindi demokratikong pamamalakad.
Ang huhusay nitong batch ng mga kongresista sa paghimay ng mga budget ng iba’t ibang ahensya. Kahit sa youtube ay mapapanood ang mga footage ng mga seryoso, teknikal at pinag-aralang mga tanong na minsan ay maayos ding nasasagot ng mga kawani. Madalas ay may nangangapa rin. Makikita natin na ang ganitong pagsuri ay nagbibigay daan sa mas mabisa at episyenteng pagganap ng kanilang tungkulin.
May iba pang uri ng oversight na mas malalim ang paghukay ng mga kinatawan, ‘di tulad ng sa budget kung saan ang mga inilatag lang ang pinagtutuunan ng pansin. Sa legislative investigations ay maging ang mga nakatagong impormasyon ay sinisinagan ng liwanag. Ganitong klase ang mga blue ribbon investigation ng Senado sa DepEd laptops at ang imbestigasyon ng mababang kapulungan sa Sugar Regulatory Administration importation.
Mapalad ang lahat itong pagbukas ng bagong administrasyon dahil naging masigasig ang makinarya ng gobyerno sa kanilang panunungkulan.
- Latest