Parami nang parami ang mga sasakyan sa Metro Manila na may takip ang plate number. Bawal ito. Dapat lantad ang plaka para madali makilala ang sasakyan kung mag-hit-and-run o gamiting getaway sa krimen. Mahal ang multa sa paglabag ng regulasyon.
Pero maraming nangangahas magtakip-plaka, kasi mas mura ang multa kaysa malitratuhan sa traffic violation.
Nagugulat na lang ang mga may-ari ng sasakyan na, sa renewal ng rehistro, patung-patong na pala ang multa—P20,000-P50,000.
Naging fundraising na ng mga lungsod sa Metro Manila ang No Contact Apprehension Policy. Kinokontrata nila ang pribadong kumpanya na nagkakabit ng traffic cameras. Tapos, nagpapasa sila ng ordinansiya ng malalaking multa sa traffic violations. Nire-report lahat ito sa Land Transportation Office. Hati-hati sila sa koleksiyon.
Ang masaklap, kung anu-anong violations ang ipinapataw sa motorista. Wala nang pakundangan. Mali-mali o sobrang liit ng traffic signs, kaya hindi maintindihan. Lumiko lang nang wala sa tiyempo, litrato at multa agad.
Dati-rati face-to-face ang paghuli sa traffic violators. Maaring makipagtalo ang driver sa pulis or traffic aide. Kung meron, nire-replay pa ang dashboard camera.
Kung minsan nauuwi sa sigawan ang sitwasyon. Kadalasan, nadaraan sa pakiusapan. Nakangiti ang magkabilang panig kung nagkasundo sa halaga na simpleng iaabot ng driver sa nanghuli.
Pagbutihan sana ng local governments ang No Contact Apprehension Policy. Mas matipid na traffic enforcement ito kaysa magtalaga ng maraming pulis at traffic aides. Huwag sana hangarin ng motorista na ibalik ang dating suhulan sa kalsada.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)