Pagkatapos ng halos tatlong dekada, tinanggal na ng pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration ang 7,000 Singapore Dollar performance bond na sinisingil sa mga recruitment agency at employer sa Singapore na kumukuha ng mga domestic helper sa Pilipinas.
Ang naturang hakbang ng pamahalaan ay tinagurian ni Singapore Minister of Manpower Tan See Leng bilang “Pasko sa Setyembre’ dahil 27 taon na silang nananawagan na tanggalin na ang performance bond na naunang ipinataw dahil sa nangyaring kontrobersiyal na kaso ng Pilipinang DH na si Flor Contemplacion noong 1995.
Maaaring asahan na muling darami ang mga Pinay DH na kukunin ng Singapore sa pagkakatanggal ng performance bond pero asahan na rin ang pagdagsa sa naturang bansa ng mga OFW mula sa ibang mga propesyon. Nitong nagdaang linggo, napaulat na kukuha ng marami pang Filipino healthcare worker ang Singapore.
Nilagdaan kamakailan nina Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople at Singaporean Health Minister Ong Ye Kung ang isang Joint Communique para pag-usapan ang pagpapadala at pagtatrabaho ng mga bagong nurse at iba pang healthcare worker na Pilipino sa Singapore. Ito ay isasagawa sa ilalim ng government-to-government arrangement.
Hindi pa nga lang malinaw kung ang pagkuha ng mga health care worker sa ilalim ng kasunduan ng mga pamahalaan ng Pilipinas at ng Singapore ay kunektado o hiwalay sa 10,000 job order na inaprubahan ng tanggapan ng Philippine Overseas Labor Office sa Singapore.
Nabatid sa DMW na sa kasalukuyan ay inaprubahan ng POLO ang 10,000 job order mula sa mga recruitment agency o employer sa Singapore. Inaasahang mapupuno ang mga bakanteng trabahong ito sa susunod na ilang buwan. Sa naturang mga job order, kailangan sa Singapore ang 5,000 aircraft technician (aviation industry); 3,000 healthcare workers (medical industry), 1,000 skilled workers (engineering industry); 500 manggagawa sa education industry; at 300 manggagawa sa I.T. sector.
Wala pang malinaw mga detalye kung paano, saan at kailan makakapag-aplay sa naturang mga trabaho pero maaaring pinaplantsa pa ito ng mga kinauukulan at, sa mga interesado, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan o website ng POEA o ng DMW na kakikitaan ng listahan ng mga bakanteng trabaho sa ibang bansa, aprubadong job order at mga lehitimo at lisensiyadong recruitment agency.
Kung ngayon ka pa lang susubok magtrabaho at mamuhay sa ibang bansa tulad ng Singapore, malaking bagay na alamin at saliksikin ang maraming bagay na may kaugnayan dito tulad ng kasaysayan nito, kultura, paniniwala, kaugalian, sistema ng pamumuhay ng mga mamamayan doon, lengguwahe, relihiyon, pulitika, at iba pa.
Sa lengguwahe, hindi problema ito sa mga OFW dahil nakakaintindi at nakakapagsalita sila ng Ingles na isa sa apat na opisyal na wika ng Singapore. Lahat ng public signs ay Ingles at pangunahin din itong lengguwahe sa mga negosyo.
Sa ilang tips ng InterNation, Kung isa kang dayuhan sa Singapore, nakatali ang employment visa mo sa iyong trabaho. Kung natanggal ka sa trabaho at nakansela ang iyong employment visa, meron kang 30 araw para maghanap ng bagong trabaho o umalis sa bansang ito.
Sa populasyon ng Singapore, ayon sa InterNations, 74 porsiyento nito ay ethnic Chinese; 13% ang ethnic Malay, at 9% ang ethnic Indian. Pero may iba pang mga lahi na naninirahan sa bansang ito.
Lubhang mahalaga sa Singapore ang paggalang sa mga senior citizen o matatanda.
Itinuturing doon na kabastusan ang pagsasalita nang malakas at pagtitig nang matagal sa isang tao. May mga tao na maaaring umiiwas sumagot ng “no” sa isang tanong. Kung meron man na atubili o tila hindi direkta ang sinasagot sa iyo, maaaring tinatangka nilang tanggihan ang iyong offer nang hindi ka masasaktan. Kalawang-galang ang pagduduro ng index finger at paghawak sa ulo ng ibang tao. Gamitin ang buong kamay o ulo kung sesenyas o magmumuwestra. Kapag papasok sa bahay ng ibang tao, hubarin muna ang sapatos.
Tanggap sa Singapore ang mga relihiyon ng Islam, Buddhism, Christianity, Hinduism, Sikhism, at Taoism. Pero bawal doon ang mga pulong ng Jehovah’s Witness.
Bilang paggalang sa relihiyon at paniniwala ng isang tao, hayaan munang mauna siyang magpakilala at sundan ang kanilang lead hinggil sa personal space. Ang mga babaeng Muslim Malay ay maaaring hindi makipagkamay sa ibang tao kapag binabati sila.
Bawal sa Singapore ang kabaklaan at ang same-sex marriage.
Kapag nasa isa kang pilahan sa Singapore, hindi mo puwedeng lagpasan ang mga nasa unahan. Pagagalitan ka ng mga tao sa magalang na paraan. Iwasang makapambastos ng mga matatanda at hindi sila dapat pagtaasan ng boses o makipagtalo sa kanila.
Bawal uminom ng alak sa mga pampublikong lugar mula 22:30 hanggang 07:00 (at buong araw sa weekend) sa mga designated areas at Liquor Control Zones. Kapag mahuhuli kang lasing at magulo, pagmumultahin ka ng hanggang 5,000 SGD (3,600 USD) at parusang hanggang 15 taong pagkakulong o kahit caning.
* * * * * * * * * *
Email- rmb2012x@gmail.com