EDITORYAL - Naglipana, mga batang kalye
Tagumpay ang pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng ayudang cash para sa mga estudyante. Umabot sa mahigit 250,000 indigent students ang nakatanggap ng ayuda mula sa DSWD sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez nakapag-disbursed na ang ahensiya ng P649.8 milyon sa 257,285 estudyante sa buong bansa. Sa bilang na ito, 85,000 ang nasa kolehiyo at vocational students, mahigit 79,700 ang nasa elementarya, 56,600 ang nasa high school at 36,000 ang nasa senior high schools. Ang natitirang pondo ay P900 milyon at ang huling pagbibigay ng ayuda para sa mga mahihirap na estudyante ay sa Setyembre 24. Ang halagang ipinagkakaloob ng DSWD-AICS ay: P1,000 para sa elementary school students, P2,000 sa high school students, P3,000 sa senior high school students at P4,000 sa college students.
Malaking tulong ang ayuda sa mga mahihirap na estudyante. Sa halagang ipinagkaloob ay marami nang gamit sa school ang mabibili at makakabili na rin ng pagkain para sa mga bata. Una nang nilinaw ng DSWD na hindi kasama sa mga binigyan ng ayuda ang mga tumatanggap na ng Pantawid Pamilya Program.
Mas madarama ang tagumpay at marami ang matutuwa kung ang sunod na babalingan ng DSWD ay ang mga naglipanang bata sa kalye ngayon na namamalimos sa mga motorista. Ngayong sumapit na ang “ber” month, lalo pang dumami ang mga batang kalye. Karamihan sa kanila ay mga batang Badjao na sumasampa sa mga jeepney at nag-aabot ng libaging sobre sa mga pasahero. Nagkalat ang mga bata sa maraming lugar sa Metro Manila at tila hindi ito napapansin ng local government units (LGUs).
Ilang taon na ang nakararaan, ang mga batang kalye rin ang nambibiktima ng motorista. Sa Guadalupe, Makati, inaabangan ng mga “batang hamog” ang pagbubukas ng bintana ng mga pasaherong nakasakay sa taxi at saka aagawin ang hawak na cell phone, wallet at iba pang gamit sa loob.
Sana, ang mga batang kalye naman ang harapin ng DSWD sa mga susunod na araw. Kailangang mailigtas ang mga bata sa kapahamakan.
- Latest