Hindi pa humuhupa ang bangis ng COVID-19. Sa katunayan, marami pa ang nahahawa at naoospital lalo na ang mga walang bakuna. Oo nga at hindi na gaanong mataas ang kaso ng COVID pero narito pa rin at paikut-ikot ang virus. Ang nakakatakot, marami pa ang walang bakuna at ganundin ang may booster shots. Hanggang ngayon, hindi pa rin naaabot ang target na bilang ng mga nababakunahan. Sa huling tala ng Department of Health (DOH) nasa 72.5 milyong Pilipino pa lamang fully vaccinated. Sa bilang na ‘yan, 6.8 milyon ay senior citizens, 9.9 milyon ang adolescents at 4.7 ang mga bata.
Marami pa ang walang bakuna kahit isa at nakapagtataka na may local government unit (LGU) na atat sa pag-aalis ng face mask. Sa ginagawang ito, posibleng dumami muli ang kaso at maging dahilan nang paghihigpit na naman. Kapag naghigpit, apektado na naman ang ekonomiya. Marami ang mawawalan ng trabaho at natural na marami na naman ang aasa sa ayuda. Wala nang pagkukunan ng ayuda ang gobyerno dahil simot na simot na.
Ang nagmamadaling desisyon ni Cebu City mayor Michael Rama na ginagawa nang boluntaryo ang pagsusuot ng face mask ay hindi katanggap-tanggap. Isang kautusan ang nilagdaan ni Rama na nag-uutos na puwede nang huwag mag-face mask sa ilang lugar sa Cebu.
Sabi ni DOH officer-in-charge Ma. Rosario Vergeire na hindi sila kinunsulta ni Rama sa inilabas na kautusan. Hindi raw maaari na mayroong isang lugar na magpapatupad ng isang patakaran na taliwas sa iba pang lugar sa bansa. Ayon kay Vergeire, kailangan ang ‘‘one nation approach sa nararanasang pandemya.
Hindi dapat sumuway ang Cebu sa patakaran. Hindi pa nararapat alisin ang face masks sapagkat narito pa ang virus. At alam ba ni Rama na marami pa sa kanyang nasasakupan ang wala pang bakuna. Dapat magkaroon muna siya ng kunsultasyon sa tunay na kalagayan ng kaso ng COVID. Huwag maging atat sa pagtanggal ng face mask.