Nagsimula na ang imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal ng pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal. Ayon sa nag-iisang miyembro ng tunay na oposisyon na si Sen. Risa Hontiveros, tila mga malalakas na puwersa ang nasa likod nito. Dalawang pagdinig na ang naganap sa Senado.
Sa unang pagdinig, dumalo si Executive Secretary Vic Rodriguez pero umalis nang hindi siya nakausap ng mga senador. Sa pangalawang pagdinig, hindi na sumipot at may miting daw ang Gabinete. Ayon kay Hontiveros, may itinatago ba si Rodriguez at tila ayaw makipag-ugnayan sa imbestigasyon ng Senado?
Nagsalita naman ang dalawang opisyal na nasasangkot sa kontrobersiya. Ayon kay Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian, hindi umano tinanggap ang kanyang pagbibitiw at suspendido lang sa ngayon—at si dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica, hindi raw tumutol si Pres. Bongbong Marcos Jr. sa pag-angkat ng asukal. May iniutos pa raw hinggil sa pagbuo ng bagong programa sa pag-angkat ng asukal. Alam din daw ni Marcos na nag-angkat na nga ng 300,000 metric tons.
Pero matatandaan na nagpahayag ang tagapagsalita ng Palasyo na si Trixie Cruz-Angeles na tinanggihan daw ni Marcos Jr. ang pag-angkat ng nasabing toneladang asukal. Kaya ano ba talaga ang nangyari? Nagtuturuan na ba? Ito nga ang nais imbestigahan ng Senado pero mukhang wala na namang mangyayari.
Tandaan na si Hontiveros lang ang oposisyon at halos lahat ng senador ay kaalyado ni Marcos Jr. Ito ang tawag na “rubber stamp Senate” kung saan lahat ng nais ng presidente ay susunod lang ang Senado. Baka sa Kongreso ganundin. Hindi ba ganun nga ang nangyari sa ilalim ng adminstrasyong Duterte? Kung ano ang gusto ng hari, sundin.
Hindi ako magtataka kung may kontrobersiya rin ang pag-angkat ng bigas, sibuyas, bawang pati na rin ng asin. Baka may hiwalay na imbestigasyon din diyan. Dapat mapangalanan lahat ng iligal na nagpapasok ng mga iyan, kung magagawa nga ng administrasyon. Kung totoo nga na mga malalakas na puwersa ang nasa likod ng mga gawaing ito, wala ngang mangyayari diyan. Huwag na tayong magtaka kung bakit nakakalusot sa Bureau of Customs ang mga iyan.