Hindi pa nalulutas ang kontrobersiyal na kaso ng 34 missing sabungeros subalit umalingawngaw nitong nakaraang mga araw ang balita na magkaroon ng comeback ang e-sabong sa Pinas. Susmaryosep! Hindi na nadala!
Sinabi ng mga kosa ko na mahigit 1,000 gamecock breeders na ang nagpalista para sumanib sa e-sabong na bubuksan umano sa Setyembre 19. Kauupo lang ni Pagcor chairman Al Tengco kaya wala pang linaw kung nabigyan na ng kaukulang permit itong parating na e-sabong.
Kaya lang, malinaw naman ang tinuran ni President Bongbong Marcos na ayaw niya ng e-sabong dahil nakakasira ito ng pamilya at may nagbubuwis pa ng buhay. Siyempre, malinaw pa sa isipan ni President BBM ang kaso ng 34 missing sabungeros. Maging si presidential sister Sen. Imee Marcos ay ayaw ding pabuksan ang e-sabong. Araguuyyyyy! Hak hak hak! Sobra-sobra talaga ang kita sa e-sabong at nagkandarapa ang mga financiers na mapabuksan ito. Dipugaaaaa!
Hindi pa nababalitaan ni CIDG director Brig. Gen. Ronald Lee ang pagbubukas ng e-sabong subalit ipinangako niya na hindi tatantanan ang pag-imbestiga ng kaso ng 34 missing sabungeros hanggang maresolba ang kaso. Ayon kay Lee, nakipagmiting siya sa mga kamag-anak ng mga missing sabungeros noong Agosto 17 para bigyan sila ng updates sa developments sa imbestigasyon nila.
Natuwa naman ang mga kamag-anak at hindi natutulog ang kaso ng mga biktima bagkus seryoso si Lee na tuklasin ang katotohanan sa likod nito. Ayon sa mga kamag-anak, nakakatanggap sila ng tawag sa telepono kung saan nag-ooffer ang sa kabilang linya ng malaking halaga para “kalimutan” na ang kaso. Purbidang yawaah Dong! Tini-trace sa ngayon ng mga tauhan ni Lee kung sinong mga “demonyo” itong tumatawag sa mga kamag-anak ng missing sabungeros. Dipugaaaaa! Hak hak hak!
Nangako naman si Lee na kahit sinong Hudas ay hindi makapag-impluwensiya sa pagtuklas nila sa katotohanan sa kaso. Eh di wow! Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Mismooooo!
Sa ngayon, binigyan priority ni Lee ang pagkilala sa lalaki na nahuli ng CCTV camera na nag-withdraw ng pitsa sa ATM account ni Melbert John Santos, na nadukot sa Sta. Cruz, Laguna. Hinihintay din nila ang resolution sa dalawang kaso na nai-file sa Department of Justice laban sa mga suspects sa abduction sa Manila Arena, na pag-aari ng negosyanteng si Atong Ang. Hinikayat ni Lee ang mga testigo na lumutang na para madaliang maresolba ang kaso. Abangan!