NOON karaniwang makikita ang mga pulis na nagroronda sa kalye, sa araw man o gabi. Kung minsan, dalawang pulis ang makikitang naglalakad sa matataong lugar gaya ng Divisoria, Quiapo, Recto Avenue at sa bisinidad ng mga unibersidad. Pero ngayon, bihira nang makita ng mga nagrorondang pulis. Ang makikita ay police patrol car na mabilis ang takbo na tila ba nagmamadali. Tila walang intensiyong makadakma o makatiyempo man lang ng holdaper, snatcher at iba pang kawatan.
Sa Huwebes ay umpisa na ng “ber” months. Sa ganitong mga panahon aktibo ang mga holdaper at mandurukot. Habang papalapit ang Pasko, mas lalong dumarami ang mga nambibiktima sa kalye. Inaabangan ang pagbibigay ng 13th month pay at Christmas bonus. Magiging talamak din ang snatching ng cell phone at iba pang gadgets.
Noong isang araw, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng walong porsiyento ang crime rate sa bansa sa loob ng walong buwan. Mula Enero 1 hanggang Agosto 15 ay nabawasan ang kaso ng krimen.
Ganunman, inamin ng PNP na kahit bumaba ang crime rate, patuloy namang dumarami ang kaso ng pagnanakaw, panghoholdap at snatching. Ayon sa spokesperson ng PNP na si Police Col. Jean Fajardo, tumaas ng 8.62 percent ang kaso ng pagnanakaw samantalang 49 percent naman ang itinaas ng kaso ng panghoholdap.
Pinakamagandang magagawa ng PNP para masawata ang pagnanakaw at panghoholdap ay ang pagpapatrulya o pagroronda ng mga pulis sa kalye. Kapag may mga unipormadong pulis sa kalye, matatakot ang mga kawatan at magdadalawang-isip na gumawa ng kabuktutan.
Panatag naman ang kalooban ng mamamayan kapag may mga nagbabantay na pulis sa kalye. Pakiramdam nila, safe na safe sila at walang mangyayaring masamang krimen sa kapaligiran.
Dagdagan ang mga nagrorondang pulis sa kalye upang mapanatili ang katahimikan at katiwasayan. Ito ang hinahanap at inaasahan ng bawat mamamayan sa pambansang pulisya.