^

PSN Opinyon

EduTourism: Ang bagong anyo ng turismo sa bansa

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
EduTourism: Ang bagong anyo ng turismo sa bansa
Onion-Based Production Site Visit sa Ramon Magsaysay Center for Agriculture and Environment Studies sa Central Luzon State University (CLSU), isang mahalagang bahagi ng eFARM Academy Project ng CLSU (L to R) Dr. Armando N. Espino, Jr, CLSU VP for Research & Extension; Dr. Renato G. Reyes, CLSU VP for Academic Affairs; Atty. Lily Freida Milla, CHED Interim Deputy Executive Director and Director for International Affairs Staff; Dr. Gella Patria L. Abella, CLSU ICCEM Director at eFARM Project Lead

KasamBuhay, alam mo bang sa Higher Education Development Fund napupunta ang 40% ng nakokolektang travel taxes taun-taon? Gaya mo, ngayon ko lang din ito nalaman. Pero bilang advocate ng edukasyon, ikinatuwa kong malaman na inilalaan pala ng Commission on Higher Education (CHED) ang pondong ito sa mga programang nagpapataas ng kalidad ng tertiary o higher education (HE) ng bansa.

Sa katunayan, isa ang educational tourism (EduTourism) sa mga programang isinusulong ni CHED Chairman Dr. J. Prospero "Popoy" E. De Vera III nitong nakaraang limang taon. Isa sa mga layunin ng Study in the Philippines Program o StudyPH ay ang palalimin ang papel na dapat gampanan ng state colleges and universities (SUCs) sa pagpapalakas ng turismo sa bansa. 

Paglilinaw ni Interim Deputy Executive Director at Director for International Affairs Services Atty. Lily Freida C. Macabangun-Milla, ibang-iba ang edutourism sa pagpaparami lang ng mga Tourism o Hotel and Restaurant Management graduates na siyang dating iniaambag ng HE sa turismo. Sa halip, nakasalalay ang StudyPH sa galing ng SUCs para makaakit ng mga mag-aaral galing sa ibang bansa. Sa ganitong paraan, ang mga SUCs na mismo ang magtutulak ng turismo, pero hindi sa pagpaparami ng estudyante ng turismo kundi sa pagpaparami ng turistang estudyante.

Ribbon-Cutting Ceremony sa launch ng RISE Capiz Project ng Capiz State University (CapSU) (L-R: CapSU President Dr. Editha Alfon, CHED Chairman Dr. J. Prospero de Vera III, at University of Antique President Dr. Pablo Crespo (R)
CapSU

Mga layunin ng StudyPH

Muling maging sentro ng edukasyon ang Pilipinas

Ayon kina Chair Popoy at Atty. Lily, hanggang noong 1970s, hindi maipagkakaila na ang Pilipinas ang sentro ng edukasyon sa Asya.   Dagdag ni Atty. Lily, “Dito nag-aaral noon ang mga taga ibang bansa gaya ng Malaysia. Ang mga eksperto nila noon, galing sa atin.” 

Kaya’t pangunahing layunin ng StudyPH ang maibalik ang pagkilala sa Pilipinas bilang sentro ng kalidad ng higher education ang Pilipinas, lalo na sa ASEAN at partikular na sa mga larangang tinatawag na areas of excellence natin. Sa ngayon, prayoridad ng CHED ang areas of excellence na pasok sa mga sumusunod na tema:

  • Culture, Heritage, and Museums (CHM) para sa pangangalaga at pagpapahalaga sa kulturang Pilipino;
  • Agriculture, Forestry, and Fishery (AFF) para sa pagpapaunlad ng tourism potential ng ating mga industriyang pangkabuhayan; at,
  • Environment and Natural Resources (ENR) para sa konserbasyon at pagpapanumbalik ng ating ecological systems.

Kabilang din ang health and medicine, information technology, creative arts, at teacher education sa mga larangan na magiging bahagi ng StudyPH.

Pero handa na ba ang ating mga SUCs makipagsabayan sa buong mundo?  Sabi ni Atty. Lily, wala raw choice ang SUCs. "Kailangang maging handa ang ating SUCs. Nasa gitna na tayo ng tinatawag na fourth industrial revolution. Sigurado mapag-iiwanan lang ang bawat institusyon na hindi kayang sumabay.”

Dagdag niya, kailangang bigyang-diin din ang glocalization. Ito ang kakayahan ng SUCs na makipagsabayan sa buong mundo habang patuloy na nakatutugon sa sitwasyon ng kanilang lokal na komunidad. Pero sadyang mahalaga rin ang internationalization na siyang nagpapatibay ng intercultural competence.  Tumutukoy ito sa pag-train ng mga lokal na estudyante sa pagrespeto ng iba’t ibang paniniwala, at hindi nag-aalangang makitungo sa iba’t ibang mga lahi, kultura at pag-uugali.

Maitatag ang SUCs bilang study destinations

Marami tayong magagaling na SUCs sa buong Pilipinas na may specializations sa iba’t ibang larangan. Katunayan, pataas nang pataas ang ranggo ng Pilipinas sa global rankings ng HEIs. Mahigit 10 taong nakalipas, aapat lang ang HEIs nating pasok sa Quacquarelli Symonds (QS) ranking of world universities. Pero nung 2021, 14 unibersidad ang nakapasok sa listahan. Samantala, sa 2022 Times Higher Education (THE) Impact Rankings na siyang nagsusukat ng pagtugon ng mga SUCs sa SDGs, mula sa lilima lang noong 2021, 15 unibersidad natin ang kabilang sa mga pinaka-epektibo sa mundo nitong 2022

Lamang din ang SUCs ng Pilipinas sa iba pang mga bagay.  Magiliw tayo sa mga banyaga, magaling mag-Ingles, at mababa ang cost of living sa bansa.
 
Pero bukod pa rito, hindi mauubusan ng paglilibangan ang student tourists sa Pilipinas. Marami tayong magagandang tanawin na pwedeng libutin. Exciting din ang ating arts at entertainment scene. 

Samakatuwid, dahil marami tayong ipagmamalaki bilang destinasyon, kayang-kaya nating maka-attract ng mga dayuhan para bumisita’t matuto.

Maging instrumento ng positibong pagbabago

Ayon kay Chair Popoy, malinaw ang direksyon ng StudyPH. “Bukod sa pagiging destinasyon ng edutourism, dapat gamitin ng SUCs ang kanilang kakayahan sa research, instruction (pagtuturo sa paaralan), at extension (pagbabahagi ng kaalaman sa komunidad) para suportahan ang turismo at pati na ang iba’t ibang mga industriya sa ginagalawang komunidad.” 

Sa ganitong paraan, magkakaroon ng positibong pagbabago sa mga industriya’t komunidad. Makatutulong ito sa patuloy na upskilling o pagpapayaman ng kaalaman ng mga mamamayan. Makatutulong din sa lokal na pamahalaan para maitulak ang tourism agenda ng bayan o probinsya.

Maraming pagbabago rin ang bibitbitin ng foreign enrollees na maninirahan dito. Sa pamamalagi nila sa iba’t ibang parte ng PIlipinas, lalong maitutulak ang mas malalim na internationalization. Dahil sa mabubuong mga koneksyon at relationships ng mga dayuhan sa kanilang kaklase, guro at iba pang makakasalamuha sa komunidad, mas matututo sila sa isa’t isa.

Makatulong sa pag-abot ng sustainable development goals

Ano ba ang sustainable development goals (SDGs)? Ito ang commitment ng mga bansang miyembro ng United Nations para maiangat ang estado ng buhay ng kanilang mga mamamayan, nang isinasaalang-alang ang pangmatagalang ikabubuti ng lahat, kabilang na ang pagbibigay proteksyon sa kalikasan.   Sabi ni Chair Popoy, ang SDGs ay dapat maging unibersal na wika ng mga higher education institutions (HEIs) sa buong mundo. 

Sa pamamagitan ng StudyPH, maisasama ng SUCs sa curriculum nila ang mga angkop na tugon nila sa SDGs. Pero mahalagang maunawaan at tanggapin ng SUCs ang SDGs bilang haligi ng sistema nila. Sa ganitong paraan, naka-angkla kaagad sa edukasyon ang pagtupad ng mga pangako natin sa UN at sa ating kinabukasan.

Dagdag pa ni Chair Popoy, “Ang kagandahan nito, maihahambing ang mga resulta ng pagsisikap natin dun na mismo sa mga sukatan o benchmarks ng SDGs. Maikukumpara din ang pagsulong natin batay sa mga ginagawa ng ibang bansa.” Samakatuwid, papasok dito ulit yung mga proseso ng glocalization at internationalization na makatutulong para mas maging epektibo ang SUCs sa pagtugon sa SDGs.

Maging laboratoryo ng experiential learning

Habang pinayayabong ng StudyPH’s ang higher education sa Pilipinas, sa iba’t ibang lebel at aspeto naman mangyayari ang pag-aaral, hindi lang sa classroom.

StudyPH: ang tugon ng CHED’s sa layunin ng gobyernong buhayin ang turismo sa bansa

Sa StudyPH, pwede nating ialok ang buong Pilipinas—lalo na yung mga lokal na komunidad na kinabibilangan ng SUCs—para sa hands-on experiential learning o yung paraang matuto mula sa aktuwal na karanasan. Sa ganitong paraan, matututunan ng ating mga dayuhang mag-aaral kung gaano kahitik sa yaman ang kalikasan at kultura ng Pilipinas, lalo na’t meron tayong higit sa 110 na uri ng mga katutubo. Mararanasan din nila ang mga problema at hamon ng isang developing nation gaya natin, kasama na ang kahirapan, trapik, kakulangan ng mga sistema’t imprastraktura, pati na ang mga sakuna’t delubyo na madalas nating kinakaharap.

At dahil makakasalamuha ng mga dayuhan ang mga Pilipino sa pang-araw-araw, lahat sila ay mas mahahasa bilang glocal and internationalized students na pawang aktibong gumagalaw para sa positibong pagbabago.

Bilang suporta, handang magbigay ang StudyPH ng pondo at training sa HEIs para hindi sila mapag-iwanan ng mga pinakamagagaling sa mundo. Bilang kapalit, inaasahan naman ang SUCs na maging lubog sa kanilang komunidad habang nakikipagsabayan din sa ASEAN at sa buong mundo. Bakit? Para masukat nila ang kinatatayuan nila laban sa mga pandaigdigang pamantayan o global standards. Ibig sabihin, dapat na pang international at pang-SDGs na nibel  ang sukatan kung sila ba ay tagumpay, gaya ng galling nila sa research o employability.

Ang eFarm Academy team ng CLSU sa pangunguna ni Dr. Gella Patria L. Abella, eFarm Project Lead at Director ng Institute for Climate Change and Environmental Management (ICCEM) (first row, center). Abangan ang aming ‘Pamilya Talk EduTourism Special: Trip ni Jing sa CLSU, Nueva Ecija’

StudyPH: Ano na ba ang Estado?

Ang StudyPH ay pinapatakbo ng International Affairs Services (IAS), isang sangay ng CHED na siya ring pinapangasiwaan ni Atty. Lily. Ayon sa kanya, ang IAS ang tumatanggap ng lahat ng applications at project proposals ng SUCs. Matapos makumpleto ang mga dokumento, dumadaan ang mga ito sa masusing pagsusuri ng isang panel ng mga eksperto. Kapag nakapasa naman sa panel ang proposal, isasalang naman sa commission en banc na siyang magbibigay  ng pinal na desisyon. 

Sa kasalukuyan, sa Region III mas nakatutok ang StudyPH dahil itinuturing ang rehiyon na isa sa mga primary tourism growth areas ng bansa. Bilang tugon na rin ito sa mandato ng bagong gobyerno na palakasin ang turismo para makabangon sa krisis na dala ng Covid-19 pandemic.

Ang kauna-unahang naaprubahang proyekto ng StudyPH ay ang eFarm Academy ng Central Luzon State University (CLSU). Pinopondohan ng CHED ang agro-tourism project na ito na limang taon na ang pamamayagpag. 

Mayroon ding proyekto sa Bulacan State University para sa heritage tourism, sa Tarlac Agricultural University para eco-tourism, at sa President Ramon Magsaysay State University para sa coastal tourism.

StudyPH: Pagkukunan ng aral at kuwento

Sabi ni Chair Popoy, tuluyang nabuo ang suporta niya sa StudyPH dahil sa kakulangan ng kwentong panturismo sa Pilipinas.

Dahil sa hilig nilang magbiyahe ng kanyang pamilya, napansin niya na halos lahat ng destinasyong nabisita nila ay napapalibutan ng maraming kwento. May mga istoryang nakapaskil sa mismong tourist spots. Meron namang ikinukwento ng mga maalam na tour guides at pati na mga residente. Mayroon ding mga istoryang nakikita sa internet at social media. Dahil sa mga salaysay na yun, mas nauunawaan ng mga manlalakbay ang pinuntahan nila. Mas napapahalagahan nila ang mga karanasan nila. Mas tumatatak ang mga nabuo nilang mga alaala.

Napansin niyang ito ang kulang dito sa atin. Kahit pagkarami-rami ng mga pwedeng bisitahing lugar sa Pilipinas, halos wala namang makalap na impormasyon sa lugar o sa internet. “Kung halimbawa ay i-Google mo ang Marinduque, puro blogs tungkol sa mga beach at pagkain ang lalabas. Halos walang tungkol sa kasaysayan at kahalagahan ng lugar. Kaya naman kailangang gumawa ng mahusay at maayos na impormasyon at kuwento para makaakit tayo ng mas maraming turista, lalo na sa ating mga heritage and historical sites.” 

“May kanya-kanyang istorya ang bawat SUC sa bawat probinsya, mga kwentong kailangang maidokumento. Gaya na lang ng Bulacan na talagang makasaysayan. O yung lugar sa Mindanao kung saan unang lumago ang Islam. Pagdating mo sa mosque doon, halos walang bakas ng napakahalagang kwentong iyon,” panghihinayang ni Chair Popoy.

Sa pamamagitan ng StudyPH, hinihikayat ng CHED ang mga SUC na sila na mismong magsaliksik at magsulong ng mga kuwento ng kanilang komunidad. Dagdag pa ng CHED chairman, ang mga HEIs ang dapat nasa gitna na paglalahad ng mga makasaysayang kwento ito. 

Kaya naman sa pag-uusap namin nina Chair Popoy at Atty. Lily tungkol StudyPH, kitang-kita ang kanilang dedikasyon para sa edutourism program na ito. Bukod sa may katuturan at patutunguhan ang StudyPH, napakaraming kabutihan ang maidudulot nito para sa mga paaralan, komunidad, at bansa.  

--

Watch Pamilya Talk on FacebookYouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTiktokTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected].  

EDUCATION

TOURISM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with