Frustrated homicide para kay Sanvicente

NABUHAY ang galit ng publiko nang sunud-sunod na nag­labasan sa balita ang naging resolution ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office sa kaso ng security guard na si Christian Floralde.

Hindi pa kasi nakakalimot ang publiko sa nangyaring insidente noon matapos gulungan ng puting SUV ang sekyu na si Floralde habang nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong.

Sa BITAG unang lumapit ang kampo ng biktima. Ako mismo ang nag-interview sa kanya habang nasa ospital ito.

Noong Huwebes lang, inirekomenda ng Prosecutor’s Office ang pagsasampa ng kasong frustrated homicide laban kay Jose Antonio Sanvicente.

Si Sanvicente ang tinuturong SUV driver na sangkot sa kontrobersiyal na hit-and-run incident. Matatandaang naging sentro ng debate noon ang paghuli kay Sanvicente.

Mula sa orihinal na isinampa ng kapulisan na frustrated murder ay na-downgrade sa frustrated homicide ang kaso.

Ayon sa limang-pahinang resolusyon, “having established intent to kill, sufficient cause therefore exists to indict respondent for Frustrated Homicide.”

Ibig sabihin nakitaan ng piskalya ng sapat na basehan o “probable cause” para isakdal sa korte si San­vicente.

Samantala, ang reklamo naman patungkol sa abandon­ment of person in danger and one’s own victim ay ibinasura ng piskalya.

Nakausap ng BITAG ang isa sa mga abogado ni Floralde. Ayon kay Atty. Federico Biolen, mas gusto nilang maisampa sana ang orihinal na kaso na inirekomenda ng kapulisan na frustrated murder.

Bagamat dismayado ay nirerespeto umano nila ang naging desisyon ng piskalya at handa silang magpatuloy sa kaso ni Floralde.

Ang kaso ng sekyu na si Floralde ay maituturing na public interest, hindi lang ito basta-basta viral story na inere sa telebisyon.

Si Floralde ay totoong biktima na inabandona at pinabayaan ng driver na nakabangga sa kanya.

Sa nagiging takbo ng kaso ni Floralde naiintindihan ko ang publiko sa kanilang pagdududa sa sistema ng pagkamit ng hustisya.

Ngunit ang tunay na laban ay nasa korte at ang tunay na hustisya ay nasa kamay ng hukuman.

Show comments