EDITORYAL - Katiwalian sa Bureau of Customs
Matagal nang may nangyayaring katiwalian sa Bureau of Customs (BOC). Kapag napapabalita ang katiwalian sa nasabing tanggapan, magkakaroon kuno ng imbestigasyon at saka ililipat, ire-reshuffle ang mga tauhan at kapag lumamig na ang isyu, balik uli sa dating gawain. Paulit-ulit lang. Sa panahon ni President Duterte, marami siyang sinibak sa BOC kabilang si dating Commissioner Nicanor Faeldon. Pero kahit marami siyang sinibak, nanatili pa rin ang umaalingasaw na korapsiyon sa nasabing tanggapan. Mukhang mahirap talagang puksain ang mga “buwaya” sa BOC. Nakakatakam ang pagdaloy ng pera. Ultimo janitor at pulis sa BOC, namamantikaan ang nguso dahil sa laganap na korapsiyon.
Noong nakaraang taon, sangkot ang mga tauhan ng BOC at Department of Agriculture sa smuggling ng gulay partikular ang carrots at sibuyas. Kutsabahan sila para makapasok ang smuggled vegetables. Bumaha ang gulay noong nakaraang taon at nawalan ng ikinabubuhay ang mga local na vegetable farmers.
Sa pag-upo ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo, binanggit niya na dapat bantayan ang BOC sapagkat dito nanggagaling ang taripa o buwis na mahalaga sa pag-unlad ng bansa. Kailangang mapagbuti ang koleksiyon ng BOC. Binanggit din niya ang BIR na nangangasiwa ng koleksiyon ng buwis.
Tatlong buwan lang mula nang pasaringan niya ang BOC, eto at rumaratsada na ang mga taga-BOC. Sinamantala na ang kakulangan ng asukal. Kaliwa’t kanan na ang sugar smuggling. Dumadagsa na ang mga imported na asukal. Nangyari ito makaraang mabuking ang planong pag-angkat ng 300,000 metriko tonelada ng asukal ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration.
Anim na opisyal ng BOC ang sinibak sa puwesto dahil sa smuggling ng asukal sa Port of Subic. Kinilala ni acting BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang mga sinibak na sina Maritess Theodossis Martin, district collector; Maita Sering Acevedo, deputy collector for assessment; Giovanni Ferdinand Aguillon Leynes, deputy collector for operations; Belinda Fernando Lim, hepe ng assessment division; Vincent Mark Solamin Malasmas, commander ng Enforcement Security Service (ESS); at Justice Roman Silvoza Geli, supervisor ng CIIS. Pansamantala silang inilipat sa Office of the Commissioner habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Malaking hamon sa BOC commissioner ang nangyayaring katiwalian sa kanyang bakuran. Magkaroon ng top to bottom revamp para mapigilan ang pagsasamantala ng mga “buwaya”. Kung hindi masasawata ang katiwalian sa BOC, maghihirap ang bayan.
- Latest