Tagumpay umano ang pagbubukas ng klase noong Lunes, ayon kay Vice President at Department of Education (DepEd) secretary Sara Duterte. Nagtungo sa Dinalupihan Elementary School, Dinalupihan, Bataan si Sara at pinangunahan ang pagbubukas ng klase. Ayon kay Sara, ang pagbubukas ng klase sa panahon ng pandemya ay mabigat na hakbang. Mahirap na desisyon ang pagbubukas pero ginawa alang-alang sa kinabukasan ng mga bata. Ngayong nagsimula na ang face-to-face classes, umaasa na ang mga nawalang karunungan dahil sa pananalasa ng pandemya ay maibabalik na.
Pagkaraan nang mahigit dalawang taon na walang face-to-face classes, maraming nawala sa mga estudyante. Maraming nagsabi (karamihaý magulang) na ang online learning ay walang naidulot sa kanilang mga anak. Kalabisang sabihin na walang natutuhan sa loob ng dalawang taon. Ayon sa mga magulang, tila naglalaro lamang sa harap ng computer at gadgets ang mga anak sa panahon ng blended learning. Sa isang pag-aaral, maraming bata na edad walo ang hindi natutong sumulat at bumasa. Kaya ang sabi ng mga magulang, mas epektibo ang face-to-face classes kaysa online learning.
Ang isa sa problema na hindi nalutas ng DepEd nang magbukas ang klase noong Lunes ay ang kakulangan ng classrooms. Luma nang problema ito pero hanggang ngayon ay hindi pa nalulutas. May mga estudyante na nagklase sa covered court dahil sa kakulangan ng classroom. Halimbawa ay sa Pasay City West High School na ang mga senior high school at junior high school ay sa indoor court nagklase. Ang audio-visual room ay ginawa na ring classroom.
Dalawang taon na walang pasok pero hindi pa rin nalutas ng DepEd ang kakulangan sa classroom. Mayroong nagsisiksikan sa isang classroom na mistulang sardinas. Bukod sa kakulangan ng classroom, kulang din ang mga silya kaya may mga estudyanteng nakasalampak sa sahig o malamig na semento.
Kailan malulutas ang problema sa kakulangan ng silid-aralan?