Mga tusong negosyante nararapat bantayan  

ANG nangyayaring shortage ng asukal at sibuyas na puti ay kagagawan ng mga tusong negosyante. Patunay diyan ang pananalakay ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa mga bodega sa San Jose del Monte, Bulacan at San Fernando, Pampanga. Itinatago ng mga tusong negos­yante ang asukal sa kanilang mga pribadong bodega upang maging­ dahilan ng shortage at pagtaas ng presyo. Maliwanag pa sa sikat ng araw na pagsasabotahe ito sa ekonomiya. Bukod kasi sa pagkamal nila ng limpak-limpak na salapi mula sa itinagong asukal, hindi pa sila nagbabayad ng buwis.

Kung sabagay hindi naman magiging madali sa mga tusong negosyante ang pagpapalabas ng mga puslit nilang asukal, gulay, mantika, bigas at siyempre kasama na riyan ang petrolyo na pangunahing pangangailangan ng mga Pinoy. Kaya ang tinutumbok nitong walang patlang na pananalakay ng BOC sa mga pinaghihinalaang bodega ng mga tusong negosyante ay ang kutsabahan ng mga opisyales ng Bureau of Customs at Department of Agriculture. May nasabat ng isang barko ng asukal sa Port of Subic na ang dukumento ay recycle permit. Magsasa­gawa raw ng imbestigasyon ang mga mambabatas ukol dito.

Kung nagsibitiw na ang mga opisyales ng SRA na nais­kandalo sa 300,000 metric tons na iimportahing asukal dapat itong alamin ng mga mambabatas upang mapanagot sa pagkaladkad sa pangalan ni President Marcos. Sa ngayon nakatutok ang lahat sa kaganapan sa imbestigasyon ng BOC sa mga natuklasang tone-toneladang asukal sa Bu­lacan at Pampanga at isama pa ang natuklasan ni Senator­ Imee Marcos na P36 milyon na smuggled na puting sibuyas.

Nararapat hubaran ni Marcos ang mga korap sa BOC. Isama na rin ang pag-imbestiga sa big time Customs brokers na sangkaterba ang alalay na mga pulis. Sa halip na gamitin ang mga ito upang punan ang kakulangan ng mga pulis sa pagbibigay ng proteksyon sa mga nagugutom na mamamayan, ang pinaglilingkuran nila ay ang mga malalaking tao na sangkot sa smuggling.

Show comments