Noon pang dekada-’60 “moderno” na ang gadgets ni karakter sa komiks Detective Dick Tracy. Nakakatawag siya ng police back-up sa walkie-talkie na parang relo lang sa braso. Ngayon meron ng iWatch na bukod sa oras at petsa, nakakatawag at natatawagang parang cell phone, nakatatanggap ng text at e-mail, napakikinggang parang radyo, napanonoorang parang TV, nakaka-audio-video recording at pang-check ng vital signs: temperatura, blood pressure, pulse at heart rate, at iba pa.
Kasabay nu’n may booster rocket na isinasabit sa balikat nina Batman at Robin para makalipad. Ngayon meron ng totoong ganu’ng kagamitan. Napapang-”lipad” ng sundalo, sisid ng rescue diver at gimik sa concert tulad ni Michael Jackson, at sa circus acts.
Sobrang galing ng komiks writers at illustrators noon. Batay lang sa kutob o intuition, nakakaimbento sila ng mga praktikal na makina. Ang science-fiction nila noon ay napapakinabangan na ngayon.
Si Superman ay may laser vision at mataas na temperaturang init sa kamay. Kaya niyang makita ang nasa kabila ng pader, ma-pressure ang uling maging diamante—at gamitin ang dalawang galing para maghilom ng sugat.
Nu’ng kasikatan ni Superman, apat lang ang panghilom: pulbos na sulfanilamyde, plaster, tahi at pandikit (glue). Problema sa mga ‘yon ay maaring mag-leak at mabasa ang sugat, kaya naiimpekta. Lalo na kung malaki ang wakwak, dapat isara agad na walang gabutil man lang na butas.
Pinag-aaralan na ngayon ang soldering o paghinang ng sugat. Gamit ang laser at infrared lights, pinagdidikit ng high heat ang nahiwang muscles, ugat at balat. Sa bilis ng procedure hindi napapaso ang pasyente. Sarado agad ang sugat: walang tagas, walang impekta, konting peklat. Sugat kaya ng damdamin kayang mahilom ng hi-tech?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).