EDITORYAL - Konti lang ang mga batang bakunado
Bukas ay simula na ng face-to-face classes sa pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Tinatayang 27,167,349 estudyante (pampubliko at pribado) ang nakaenrol.
Ang full implementation ng in-person classes ay sa Nobyembre 2 para sa pampubliko at pribadong eskuwelahan. Ayon sa Department of Education (DepEd) papayagan pa rin ang blended learning o ang kumbinasyon ng in-person at distant learning. Ayon sa DepEd, nasa 1,004 schools ang patuloy na mag-iimplement ng full distance learning.
Handang-handa na ang mga guro sa pagbabalik-eskuwela. Malinis na malinis na ang mga silid-aralan. Mayroong mga guro na sila na ang gumastos (sarili nilang pera) nang ipinambili ng bagong electric fan. Ayon sa mga guro, kailangang magkaroon ng tamang bentilasyon sa silid-aralan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Pati ang mga sirang silya ay mga guro na rin ang nagbayad para makumpuni. Gusto nilang maayos ang kalagayan ng mga bata sa pagbabalik ng mga ito bukas (Lunes).
Ang isang naghahatid ng pangamba ay maliit na porsiyento lamang ng mga bata ang bakunado laban sa COVID-19. Ayon sa DepEd, 20 percent lamang ng school children ang may bakuna. Sa data na inilabas ng kagawaran, 5,663,984 kindergarten, elementary at high school students ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna laban sa COVID-19 at 5,285,437 lamang ang may second dose at kinukunsiderang fully vaccinated.
Nagbabala kamakailan ang OCTA Research Group na posibleng dumami ang kaso sa panahon ng face-to-face classes. Kaya ipinapayo nila ang mahigpit na pagsunod sa health protocols upang makaiwas sa sakit. Nararapat ipatupad ang pag-iingat sa loob ng eskuwelahan.
Nakababahala rin naman ang ulat mismo ng DepEd na mayroon ding mga guro na hindi pa bakunado hanggang sa kasalukuyan. Ayon sa DepEd, sa 883,000 guro sa public schools, 37,000 sa mga ito ang hindi pa fully vaccinated. Nasa 20,000 sa mga ito ang magpapaturok pa lamang para sa second dose.
Sinabi naman ng DOH na magpapatuloy ang pagbabakuna sa mga bata kahit nagsisimula na ang F2F. Sa school na umano gagawin ang vaccination.
Abutin ng DepEd ang tinatarget na dami ng mga bata na babakunahan. Kailangang mabigyan sila ng proteksiyon ngayong tuluy-tuloy na ang pasukan. Mahalagang masiguro ang kaligtasan ng mga bata.
- Latest