Dahil Family Planning Month, itinuon namin sa issue na ito ang isang Okay, Doc edition ng #PamilyaTalk. Pero magkaliwanagan muna tayo, mga KasamBuhay, ha? Ang family planning ay hindi lang ang pagko-kontrol ng mga mahihiliig… magka-anak. Ito ang paraan na pagbubuo ng malusog, masaya, at ligtas ng pamilya.
Sabi ni former NEDA secretary Cielito Habito sa isa forum, habang bumababa raw ang populasyon ng karamihan ng mga bansa as Asya, heto naman at lumolobo pa rin ang sa atin. Pero sa kasamaang palad, habang lumolobo ang dami natin, lalo namang lumalala ang estado ng kalusugan at nutrisyon ng mga Pilipino.
For more information on how to plan for a safer, happier, and much more secure family, watch this edition of Okay, Doc with Tita Jing and Dr. Sharon Mendoza and Dr. Frances Monette Bragais here on #PamilyaTalk!
Ano ba talaga ang family planning?
Ayon sa Department of Health (DOH), ang family planning ay ang “paggamit ng mga moderno, mabisa at epektibong pamamaraan upang maisakatuparan ang hangarin ng mga mag-asawa na magkaroon ng minimithing dami ng mga anak at ang wastong pag-aagwat sa mga ito.”
Dagdag pa ng DOH, ang tamang pag-aagwat ng pagbubuntis—yung may pagitan ng tatlo hanggang limang taon bawat anak—ay mas nakabubuti sa kalusugan at kaligtasan ng nanay at ng sanggol. Parang patunay na rin ito sa kasabihan nating nasa hukay ang isang paa ng babae sa bawat panganganak niya, di ba?
Kaya naman walang pinag-iba ang family planning sa responsible parenthood. Kapag wasto ang pagpaplano ng mag-asawa, mas maibibigay nila ang sapat na suporta sa bawat miyembro ng pamilya, hindi lang yung pangangailang pampinansyal at pangkalusugan, kundi hanggang sa emotional at developmental needs ng lahat.
Bakit kinakailangan ng family planning?
Population control
Ayon sa Commission on Population and Development, 4,177 ang average na bilang ng mga sanggol na isinisilang sa Pilipinas kada araw. Katumbas ito ng 174 kada oras o tatlo kada minuto. Ang dami, di ba? At lahat sila ay dumaragdag pa sa populasyon ng PIlipinas na naitala ng Philippine Statistics Authority na nasa 109M na noong 2021.
Anong ibig nitong sabihin? Galing sa atin ang mahigit na 1% ng pang-araw-araw na paglaki ng populasyon ng buong mundo. Sabi nga ng United Nations sa kanilang World Population Prospects 2022 report, pagdating ng 2050, tinatayang 50% o kalahati ng paglaki ng populasyon ay galing lang sa walong bansa: ang Democratic Republic of Congo, Egypt, Ethiopia, India, Nigeria, Pakistan, Pilipinas at ang United Republic of Tanzania. Para sa pagkaliit-liit na bansa, ganoon kalaki ang impact natin sa buong planeta. At ang impact na ito ay malamang ikasama imbes na ikabuti ng lahat, lalo na’t nahaharap na tayo sa global food insecurity, water scarcity, climate change at iba’t-ibang mga pandaigdigang problema na naglalagay sa lahat ng tao sa peligro.
May hangganan ang kalikasan. Kaya’t kung hindi makokontrol ang pagdami ng tao sa mundo, di malayong maubos natin ang natural resources ng buong planeta. Pag nangyari yun, pati tayo magkakanda-ubusan na rin. Magiging extinct.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Pwedeng maiwasan ng Pilipinas at ibang bansa ang malagim na posibilidad na ito sa pamamagitan ng family planning.
Responsible parenthood
Pero wag na tayong magpakalayo-layo sa Congo, Egypt, at kung saan-saan pa. Ibalik natin ang usapan sa sarili nating mga tahanan.
Totoo namang bawat bata ay blessing. Bawat isa ay biyaya ng Panginoon. Kaya lang, kung hindi kayang buhaying ng imag-asawa ang mga anak nila, para namang isinumpa na rin nila sa kahirapan ang kanilang mga biyaya.
Kung hindi kayanin ng mga magulang na matugunan nang wasto ang mga pangangailan ng mga anak—mula sa pagkain, pananamit, edukasyon, kalusugan, seguridad, at kalinga—ang kalidad ng buhay ng buong pamilya ang masisira. Bukod sa mapagkakaitan ang mga bata ng karapatan nilang mapangalagaan nang husto at sapat, magiging karagdagang stress din ito sa mga magulang. Malamang, sa sobrang pagkayod nila, mawawaln sila ng panahon para sa mga bata, sa isa’t isa, at pati na sa sarili nila. Napakalungkot, di ba?
Ang responsableng mga magulang na desididong magplano ng pamilya ay ang maituturing nating mga mapagmahal na ama at ina. Marami, kaunti, o iisa man ang anak, sinisiguro ng responsible parents na kaya nilang bigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mag-anak. At dahil nga nalalagay sa alanganin ang buhay ng nanay at sanggol sa bawat panganganak ni misis, mas napapababa ng proper child spacing ang panganib sa mag-ina. Mas maiiwasan ang peligro kina mommy at baby.
Anong kailangan para makapag-family planning?
Mutual commitment. Pinakamahalaga ang buong kooperasyon ng mag-asawa. Kailangan parehong magsisikap sina nanay at tatay. Hindi responsiblidad lang ng isa sa kanila ang pagpaplano ng pamilya.
Payo ng doktor. Dapat laging magpatingin o kumunsulta sa doktor para magabayan ang pagpaplano ng pamilya. Kasama na rito ang pagpipili at pagmo-monitor ng paraan ng pagkokontrol na pinakamainam sa mag-asawa.
Bukas na isipan. Dapat klaro sa mag-asawa kung ano ang family planning. Kabilang dito ang pag-unawa na hindi naman kasalanan o kontrobersiya ang pagkokontrol ng bilang nga anak. May mga paraan ng family planning na sang-ayon sa iba’t ibang relihiyon. Ayon sa marami nang pag-aaral sa buong mundo, mas nakabubuti sa kabataan ang wastong kaalaman sa birth control. Dahil mas nagiging aware sila, nababawasan ang curiosity at pagiging mapusok nila. Sa mga lugar na mas malaya ang access sa iba’t ibang paraan ng birth control, mas mababa ang bilang ng unwanted pregnancies at sexually transmitted diseases, lalo na sa mga teenager.
Ano ang pinakamainam na paraan ng family planning?
Sabi ng ating suking obstetrician-gynecologist at sonologist na si Dr. Sharon Mendoza, ang sagot ay depende sa indibiduwal dahil iba’t-iba ang katawan ng tao. Mahalaga ring tandaan na walang 100% na kasiguruhan sa mundo. Maging ang contraceptive methods ay hanggang 99% lang ang bisa.
Traditional or natural methods
Ito yung mga paraan na bagay sa mga may alinlangan dahil sa relihiyon nila, tulad na lang ng mga tinatawag na Sarado Katoliko. Hindi nauuwi sa aborsyon ang mga ganitong paraan dahil iniiwasan agad ang pagkakabuo ng bata.
Kabilang na rito ang calendar at rhythm methods na kailangan ang pag-record sa kalendaryo o kaya sa mobile app ng pagreregla ng babae. Kinakailangan din ng pagpipigil o sexual abstinence kapag fertile o pwedeng mabuntis si misis. Pero epektibo lang ito kung regular ang regla buwan-buwan. Kung hindi, baka mauwi rin sa buntisan kasi mahirap siguruhin kung kailan fertile ang babae.
Maaari ring gamitin ang withdrawal method pero 70% nga lang ang bisa nito. Ibig sabihin, tatlo sa 10 pagkakataon, maaring makabuo pa rin ng bata.
Yung mga bagong panganak naman ay pwedeng gumamit ng Lactational Amenorrhea Method o LAM. Pero mabisa lang ito kung tuluy-tuloy ang pagpapasuso ni mommy. Ibig sabihin, puro gatas ng ina lang ang ibinibigay kay baby, walang formula, juice, tubig o kahit na anong kapalit. Dahil kay nanay lang regular na kumukuha ng sustansya ang bata, nagpapadala ng senyales ang utak ng ina sa kanyang obaryo na huwag munang maglabas ng bagong egg cell. Kaya naman hindi daratnan ng regla si mommy at hindi siya fertile sa panahong ito. Pero pag nagsimula na ulit ang period niya, balik na naman ang fertility niya at kailangan magpalit na ng birth control.
Contraceptives para kay nanay
Sabi ni Dr. Mendoza, pills ang kadalasang unang choice ng mga nanay. Bukod sa isa sa pinakamura at madaling gamitin, 99% epektibo ito basta wasto ang paggamit. Ibig sabihin, dapat tuluy-tuloy ang pag-inom nito.
Kaya lang, sa dami ng iba’t ibang brand, minsan kailangang hanapin kung aling pills hiyang si mommy. Kadalasan, ang reklamo ng mga gumagamit ay ang pagtaas o pagbaba ng timbang at saka pananakit ng sikmura. Kung gayon, kailangang sumubok ng ibang na mas hiyang sa katawan. Pero mas mabuting kumunsulta sa doktor na siyang makakapagrekomenda ng brand na mas akma ang hormonal component.
.
Maaari ring gumamit ng injectables. Parang pills din ang epekto nito, pero pangmatagalan ang bisa kada turok. May ibang 30 days ang bisa, may iba namang hanggang tatlong buwan.
May tinatawag ding intrauterine device o IUD na ipinapasok ng doktor or nurse sa matres ng babae. Maliit na hugis letrang T lang ito na naglalabas ng copper o tanso na nakakapigil sa pagbubuntis ng hanggang 12 years.
Meron ding subdermal implant na siya namang inilalagay sa ilalim ng balat sa braso. Ayon kay Dr. Mendoza, para wasto ang paggamit, mahalagang certified na trained ang maglalagay nito kay mommy, tulad ng family physician, midwife, o healthcare worker. Normal lang daw na magkapasa sa braso ng ilang araw, pero dahil maliit lang ang implant, mabilis daw dapat ang pagkawala ng pasa. Hanggang tatlong taon ang bisa ng subdermal implant bago kailangang pailitan.
Maaari ring magpa-tubal ligation o magpatali. Isa itong major surgery dahil kailangang buksan ang katawan ng babae upang gupitin o itali ang fallopian tubes na siyang daluyan ng egg cell. Dahil sa ligation, mapipigilan ang egg cell ng babae na makapunta sa kanyang matres. Hindi rin makaaabot ang sperm ng lalaki sa egg cell. Pero hindi maapektuhan ang pagreregla ng babae. Kung gusto pang muling mag-anak ng mag-asawa, sabi ni Dr. Mendoza, reversible ang operasyong ito at mapagdurugtong ulit ang fallopian tubes.
Contraceptives para kay tatay
Ayon sa ating suking urologist na si Dr. Frances Monette Bragais, ang birth control ay hindi lang para sa babae. Merong male contraceptives na kasing effective at ligtas naman para kay daddy.
Bukod sa withdrawal method, maaring gumamit ng condom. Siguraduhin lang na hindi expired ang condom. Sabi ni Dok, iwasan ang pagtatago nito sa wallet para hindi mabutas at mainitan. Huwag ding gagamit ng mga oil-based lubricants gaya ng pertoleum jelly o baby oil. Gawa ang condom sa latex at ang init at langis raw ang numero unong kalaban nito.
Para sa mas matagalang bisa, pwede rin ang magpa-vasectomy. Guguptin lang ang vas deferens na siya namang daluyan ng sperm ni mister. Dahil ito ay nasa scrotum o itlog ng lalaki, nasa labas ng katawan ito, di gaya ng tubal ligation na kailangang buksan ang katawan ng babae. Isang maliit na gunting lang at local anesthesia ang gamit kaya’t halos walang dugo’t aray ang vasectomy, sabi ni Dok. Pagkatapos ay band-aid at ice pack lang ang katapat. Ganun kasimple.
Ngunit para makasigurong wala nang natirang sperm sa pinaggupitan, kailangang gumamit muna ng condom o ibang paraan ng hanggang tatlong buwan. Gaya ng tubal ligation, reversible din ang vasectomy. At hindi nito nababawasan ang pagkalalaki, sexual drive at ligaya ng lalaki. Di naman kasi naaapektuhan ng vasectomy ang testosterone level ni mister, yung bagay na nagpapa-macho sa lalaki.
Partnership ang responsible parenthood
Alin man ang piliin ng mag-asawa, maging tradisyunal o mas modernong pamamaraan ng contraception, importante sa family planning ang partnership para maabot ang gusto at nararapat na laki ng pamilya.
Sa bandang huli, anumang hirap o sakripisyo ang pagdaraanan habang nagpa-family planning, mas malaki namang biyaya ang pagkakaroon ng masaya, malusog, at maginhawang pamilya. Hindi ba’t mas masaya ang buhay kung kayang-kayang suportahan ang pangangailangan ng buong pamilya nang hindi kailangang magpakamatay sa pagkayod?
--
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at editorial@jingcastaneda.ph.