EDITORYAL - Usad pagong
Magsisiyam na taon na sa Nobyembre 8, 2022 ang pananalasa ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan, partikular sa Eastern Samar, pero hanggang ngayon, marami pa rin sa mga nasalanta ang walang tahanan. Mabagal ang pagkilos ng National Housing Authority (NHA) para mabigyan ng desenteng tahanan ang mga biktima ng Yolanda.
May mga nakatira na sa ginawang bahay ng NHA subalit ayon sa mga residente nagdurusa sila sapagkat walang kuryente at tubig. Kailangan pa nilang umigib mula sa malayo. Dusa sila kapag sa tag-ulan sapagkat bumabaha dahil walang drainage system at mas lalong dusa kung tag-araw sapagkat sobrang init na halos malitson sila sa loob ng bahay. Dahil walang kuryente, hindi sila makagamit ng electric fan. Tanong ng mga biktima ng Yolanda, kailan matatapos ang kanilang paghihintay sa pinangakong pabahay.
Sa 2021 annual report ng Commission on Audit (COA) sa NHA, sa 212,618 na target housing units sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program, 73 percent pa lamang o 156,219 units pa lamang ang nakukumpleto sa petsang Disyembre 31, 2021. Ang natitirang 56,399 units ay ginagawa pa at ang iba naman ay itinigil ang paggawa at mayroong hindi pa man lang sinisimulan ang konstruksiyon. Ayon sa COA, inilunsad ng NHA ang proyektong pabahay noong Agosto 1, 2014.
Ang matindi rito may mga ginawang bahay na hindi mapakinabangan dahil marupok. Sa halip na bakal ang patigas, mga kawayan umano ang ginamit kaya may mga gumuho na. Maraming natatakot tumira sapagkat posibleng maguho ang mga ginawang bahay.
Ayon pa sa mga residente, ang mga sinimulang bahay ay hindi na tinapos at karamihan sa mga ito ay kinakalawang na ang mga bakal. Nasayang lamang umano ang pera ng gobyerno gayung marami ang naghihintay na magkaroon ng bahay. Nagtataka sila kung saan napunta ang malaking pondo para sa pabahay at bakit hindi matapus-tapos?
Nararapat magsagawa ng imbestigasyon ang kasalukuyang pamahalaan hinggil sa kabagalan ng NHA na matapos ang pabahay para sa mga biktima ng Yolanda. Siyam na taon nang nagtitiis ang mga biktima at walang ginagawang hakbang ang mga kinauukulan para pabilisin ang paggawa ng mga bahay.
- Latest